Binigyan na ng go-signal ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF) at ng Games and Amusement Board (GAB) ang National Basketball League (NBL)/Women National Basketball League (WNBL) upang magsimula ng kanilang 2021 season sa Hulyo 17 sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Malolos.

Sa isang buwanang virtual press conference noong Biyernes ng hapon, inanunsiyo ni GAB chairman Baham Mitra ang pag-apruba nila sa safety and health protocols na isasagawa ng NBL/WNBL sa ilalim ng gagawin nilang home-venue-home open circuit set-up.

“The National Basketball League will resume on July 17. Umpisa na po lahat. We are very happy na magre-resume na. Tuloy pa rin ang ingat,” saad ni Mitra.

Bago pa man makuha ang pahintulot ng IATF at GAB , naihanda na ng mga league officials ang mga gagawing aktibidad kabilang na ang opening ceremonies na ipapalabas ng live ng Solar Sports buhat sa venue maliban sa tradisyunal na parada ng mga kalahok na koponan ng dalawang liga na isasagawa ng virtual.

PBA, hinihingi panig ni Amores; makabalik pa kaya sa liga?

Tatawaging Senator Pia Cayetano-WNBL season, iluluklok din ng unang women professional league ng bansa ang first batch ng Legends Circle na kinabibilangan ng mga players, coaches at officials na nakilala at nangibabaw sa larangan ng women’s basketball sa bansa.

Bukod dito, magbibigay din ng  citations ang WNBL sa mga personalidad at mga organisasyon nagkaroon ng malaking kontribusyon sa Philippine basketball partikular sa women's basketball gaya ng Ever Bilena, Discovery Suites, si Vivian Manila ng Women’s National Collegiate Athletic Association (WNCAA), dating Women’s Philippine Basketball League commissioner Yeng Guiao, Bernie Atienza at ang BEST Center.

Bukod sa Bulacan Capitol Gymnasium, magdaraos din ang NBL/WNBL ng mga laro sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando, Pampanga, Red Arc Gymnasium sa Balagtas, Bulacan at Quezon Convention Center sa Lucena ayon kay Mitra.

Marivic Awitan