Magsasalpukan nga ba sa pagka-pangulo sa national elections sa 2022 ang pambato ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP)-Laban na si Senator Bong Go at ang minamanok ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio?
Lumutang ang usapin matapos magpahiwatig kamakailan si Pangulong Rodrigo Duterte na nais niyang maging kandidato ng PDP-Laban si Go habang isinusulong naman ng HNP na kumandidato sa pinakamataas na posisyon sa bansa si Carpio-Duterte.
Ang dalawang political party ay parehong sumusuporta sa kasalukuyang administrasyon. Dahil dito, sinabi ni Melvin Matibag, acting secretary general ng PDP-Laban, dapat na magpulong at mag-usap ang mga opisyal ng dalawang partido para magkaroon ng "common goal" sa 2022 elections
Umaasa si Matibag at iba pang mga pinuno ng PDP-Laban na magkakasundo ang dalawang partido upang sila'y magtagumpay sa halalan.
Bert de Guzman