Dalawa umanong ‘fixer’ ang inaresto ng mga awtoridad dahil sa iligal na pagsisingit ng mga tao sa COVID-19 vaccination program sa Pasig City, kapalit ng pera.

Mismong si Pasig City Mayor Vico Sotto naman ang nag-anunsiyo sa pagkakaaresto sa mga suspek na hindi na niya pinanganalan sa kanyang Facebook Live.

Gayunman, tiniyak ng alkalde na sasampahan nila ng pormal na reklamo ang mga naturang fixer.

Ayon kay Sotto, alam niyang mayroon pang ibang taong sangkot sa ganitong iligal na aktibidad at binalaan ang mga ito na mananagot.

Pagbebenta ng ₱20/kilo ng bigas para sa mga senior, PWD, solo parents, sisimulan sa Mayo 2

“May nahuli na tayong dalawang fixer. May formal complaint na ifa-file laban sa kanila. Bahala na sila. Good luck na lang sa kanila.May dalawa na tayong nahuli pero alam kong mayroon pa. Good luck sa inyo kapag nahuli ko kayo,” babala nito.

“Hindi naman tayo papayag ng ganoon. Nakapila ng maayos ang tao, ang tagal naghintay ng schedule tapos magpapasingit kayo ng ganun-ganun lang tapos pagkakakitaan niyo pa? Hindi puwede 'yun,” aniya pa.

Sa kasalukuyan, umaabot na sa 150,000 katao ang nakatanggap ng unang dose ng COVID-19 vaccine sa lungsod at 50,000 sa mga ito ang fully vaccinated na o nakatanggap na ng dalawang dose ng bakuna.

Target ng lokal na pamahalaan na makapagbakuna ng may 700,000 Pasigueños upang makamit ang herd immunity laban sa COVID-19.

Mary Ann Santiago