Nilinaw ng isang eksperto mula sa University of the Philippines (UP)- National Institutes of Health (NIH) na wala pang naitatalang lokal na kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) Delta variant sa bansa.
Ayon kay UP-NIH executive director Dr. Eva Maria dela Paz, ang 17 kaso ng Delta variant na unang naiulat sa Pilipinas ay pawang mga foreign travelers at wala ni isa man ang lokal na kaso.
“Lahat sila ay galing sa incoming international travelers. Wala pa pong tayong naitalang local cases as of our last sequencing,” ani Dela Paz, sa isang Laging Handa public briefing.
Kaugnay nito, kinumpirma rin ni Dela Paz na ang Delta variant ng COVID-19 ay 60% na mas nakakahawa kumpara sa Alpha variant, na 40% na mas transmissible kumpara sa regular variant ng COVID-19.
Aniya pa, ang mga pasyenteng infected ng Delta variant ay may mas malala ring kondisyon.
Sinabi rin ni Dela Paz na batay sa mga ulat, ang dalawang doses ng mga bakunang AstraZeneca at Pfizer ay nananatiling epektibo at nakapagbibigay ng proteksyon laban sa COVID-19 ng 60% hanggang 80%.
Matatandaang ang Delta variant na unang nadiskubre sa India ay nagdudulot ngayon ng surge ng mga bagong COVID-19 cases sa ilang bansa na may mataas na vaccination rates.
Mary Ann Santiago