Iginiit ng Malacañang na susunod at gagampanan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang kautusan ng Korte Suprema na siya ay magkomento sa isang petisyong inihain laban sa kaniya at sa kasalukuyang Executive Secretary (ES) na si Ralph Recto.
Kaugnay ito sa utos ng Supreme Court (SC) na magkomento ang dalawa sa loob ng 10 araw hinggil sa petisyon para sa “writ of mandamus” na isinumite nina Pantaleon D. Alvarez, Virgilio R. Garcia, Juan C. Raña, at Raymundo L. Junia—na humiling na ilahad ni PBBM ang kaniyang medical records at dumaan sa isang hair follicle test, at idiin naman ni Recto ang kaniyang kapasidad sa kaniyang kasalukuyang posisyon.
MAKI-BALITA: SC, pinagkokomento si PBBM, ES Recto sa petisyong magpa-medical, hair follicle test-Balita
“Kung utos po ng Supreme Court ‘yan ay gagampanan naman po, at gagawaan po ng comment,” saad ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa press briefing ng PCO nitong Huwebes, Abril 23.
Gayunpaman, hindi pa tiyak kung ano nga ba ang nilalaman ng magiging komento ng Pangulo ngunit anang press officer, agad niyang ibibigay ang komento kapag mayroon nang isinumite si PBBM.
Matatandaang naging maugong ang usapin patungkol sa sakit ni PBBM na Diverticulitis, pati na rin ang umano’y stage 4 cancer nito.
MAKI-BALITA: ‘Maayos po siya!’ Palasyo, pinasinungalingan isyung may sakit si PBBM-Balita
Agad naman itong niresbakan ng Pangulo at binigyang-diin na siya ay nasa maayos na kalagayan.
MAKI-BALITA: PBBM napa-jumping jack, hinamon mga bumabatikos sa kalusugan niya!-Balita
Samantala, pinag-usapan din ang pasabog ng mismong kapatid ni PBBM na si Sen. Imee Marcos, kung saan walang kaba niyang isiniwalat sa ginanap na kilos-protesta ng religious group na Iglesia ni Cristo (INC) kamakailan, laban sa katiwalian at korapsyon, na gumagamit umano ang Pangulo ng ilegal na droga.
MAKI-BALITA: Sen. Imee Marcos, nilantad sa INC rally na ‘gumagamit’ diumano ng droga si PBBM-Balita