Tiniyak ng Malacañang na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ay nasa maayos na kalagayan.
Ito ay matapos bigong madaluhan ni PBBM ang isang event kaugnay sa mga papauwing Overseas Filipino Workers (OFWs) sa bansa.
Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Lunes, Abril 6, inilahad ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na mayroon pa ngang dadaluhang event ang Pangulo,
“Definitely!” sagot ni Usec. Castro nang matanong kung ayos lang ba si PBBM, matapos kumalat ang isyung umano’y nasa “stage 4” ang sakit nito.
“Mamaya po ay magkakaroon po siya…magkakaroon po mamaya ng oath-taking with the vice mayors, so mayroon po siyang event,” dagdag pa niya.
Ayon pa sa press officer, huwag daw maniwala sa mga impormasyong nasa social media na wala namang katunayan o katotohanan.
“Kayo naman po ay mainstream media. Siguro mas mangingibabaw dapat ang mainstream media kaysa sa mga socmed na walang basehan. So, huwag po tayong masyadong maniwala…ang dami-dami pong fake news! Pati po ako ay binibiktima ng fake news,” anang press officer.
“Maayos po siya. Mamaya po maaari n’yo po siguro malaman at baka kayo ay maimbitahan sa oath-taking mamaya,” pagtatapos niya.
Kaugnay nito, matatandaang kamakailan ay isiniwalat mismo ni PBBM na siya ay dinapuan ng sakit na diverticulitis.
“Sumobra naman pagka-excited n'yo, andito pa 'ko I'm running the government. We're doing everything that needs to be done,” ani PBBM sa isang pahayag.
MAKI-BALITA: PBBM, bumwelta sa bashers: 'Sumobra pagka-excited n'yo, andito pa 'ko!'-Balita