Naglabas ng opisyal na pahayag si Vice President Sara Duterte nitong Huwebes, Abril 23, 2026, upang sagutin ang mga ibinatong akusasyon kaugnay ng umano’y bilyon-bilyong bank accounts at iba pang isyung ibinabato laban sa kaniya.
Noong Miyerkules, Abril 22, pinangalanan ni dating Sen. Antonio "Sonny" Trillanes IV, isa sa mga naging resource speaker sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committee on Justice sa impeachment complaints laban kay VP Sara, ang negosyanteng si Sammy Uy bilang "drug lord" na nagbigay ng milyon-milyong pera hindi lamang daw kay FPRRD at VP Sara, kundi maging sa iba pang miyembro ng pamilya Duterte na sina Davao City Mayor Sebastian "Baste" Duterte, Davao City 1st District Rep. Paolo "Pulong" Duterte, Veronica "Kitty" Duterte, at nanay niya at common-law wife ni FPRRD na si Honeylet Avanceña.
Batay umano sa mga dokumentong hawak niya, lumabas na may kabuuang halagang ₱2,407,272,103.75 ang naideposito o dumaloy sa nasabing joint bank accounts nina FPRRD at VP Sara sa loob ng ilang taon.
Sa kaniyang mensahe, sinabi ng bise presidente na halos isang dekada nang inuulit ni Trillanes ang umano’y parehong kuwento hinggil sa mga sinasabing bank accounts na naglalaman ng bilyong piso.
Ayon kay Duterte, mula 2016 hanggang 2026 ay wala umanong nagbago sa naturang naratibo, ngunit nagbago na umano ang mga sumusuporta rito.
Binanggit niya na si Trillanes umano ay sinusuportahan ngayon ng isang "sitting President" na aniya’y dapat sumailalim sa simpleng drug test, ilang miyembro ng House of Representatives na umano’y tumanggap ng “maleta,” Commission on Audit na aniya’y tila ipinaposisyon ang mga inilalabas na issuances batay sa politika, at mga bagong opisyal ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Iginiit din ng bise presidente na nananatiling tahimik umano ang AMLC at hindi nililinaw na wala umanong natuklasang paglabag sa anti-money laundering laws, at hindi totoo ang alegasyong may bilyon-bilyong piso siya sa mga bank accounts.
Sinabi rin ni Duterte na nagsimula umano ang sunod-sunod na alegasyon at kaso laban sa kanya matapos siyang umalis sa Gabinete at tumangging lumagda sa isang pambansang budget na hindi niya kayang ipagtanggol sa publiko.
“Simple lang ang sagot ko sa lahat ng paninira. Malinis ang aking service record; hindi ako kailanman nagkaroon ng kaso sa paggamit ng pondo ng bayan,” ani Duterte.
Dagdag pa niya, lahat umano ng kanyang ari-arian at pera ay idineklara niya sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), at ang bawat sentimo ay mula sa lehitimong pinanggalingan na may kaukulang dokumento.
Sa matinding pahayag, sinabi rin ng bise presidente na ang “mga totoong magnanakaw” ay hindi umano sa bangko naglalagay ng pera kundi sa maleta.
"Ang mga totoong magnanakaw, hindi sa bangko pinapasok ang pera—kundi sa maleta!" aniya.
Tinuligsa rin ni Duterte ang umano’y paggamit at pang-aabuso ng administrasyon sa mga institusyon ng gobyerno para sa layuning pampulitika.
Kasabay nito, kinuwestiyon niya ang kawalan umano ng malinaw na sagot sa bilyon-bilyong piso para sa flood control projects, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kahirapan, kagutuman, peace process sa Mindanao, independent foreign policy, at kriminalidad.
Hinimok din niya ang publiko na huwag umanong magpalinlang sa ingay ng impeachment issue, at iginiit na ang tunay na laban ay para sa kapakanan ng mga Pilipinong araw-araw na humaharap sa mabibigat na hamon ng buhay.