Bumuwelta si Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro na papayagan daw nilang magbakasyon o mag-world tour si Vice President Sara Duterte kung ito raw ang hilig nito.
Matatandaang muling inabisuhan ni VP Sara ang opisina ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., nitong Huwebes, Abril 23, 2026, na nabago na raw ang plano niyang paglabas ng bansa dahil sa “last minute” na pagpayag nito sa kaniyang travel clearance at magsagawa ng personal na biyahe sa ilang bansa sa Europa at Asya mula sana Abril 23 hanggang Mayo 15, 2026.
Aniya pa, marapat daw sanang siguruhin ng Palasyo ang “confidentiality” ng kaniyang ipapadalang bagong kahilingan upang mapanatili nila ang epektibong ligtas na pagsasaayos ng kaniyang pag-alis.
KAUGNAY NA BALITA: 'Di na tuloy?' VP Sara, sinagot 'last minute' na pagpirma ng Palasyo
Ayon naman sa naging pahayag ni Castro sa isinagawa niyang press briefing nito ring Miyerkules, sinabi niyang isang “public servant” si VP Sara at hindi raw ito dapat na magtago ng mga bagay-bagay sa publiko.
“Siya po ay isang public servant, hindi po siya pribado. Hindi po maitatago ang mga bagay-bagay na nais niyang itago,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “May mga bagay na dapat nalalaman ng publiko dahil siya ay isang public servant.”
Paghahalimbawa ni Castro, kasalukuyan daw ngayong nagaganap ang krisis sa Middle East at nahaharap si VP Sara at asawa niya sa umano’y bilyon-bilyong mga paratang sa impeachment hearing.
Aniya, marapat ba raw na magbakasyon pa si VP Sara at umalis ng bansa sa gitna ng mga nabanggit na usapin.
“Katulad nga po nito, sa gitna ng krisis sa Middle East, sa gitna ng mga bilyones na isyu na napapaloob ngayon sa Bise Presidente at sa kaniyang asawa. Kung kayo ang tatanungin, kung kayo ang Bise Presidente, marapat na magbakasyon?” buwelta niya.
Pagpapatuloy pa ni Castro, pagbibigyan daw nila ang hilig ni VP Sara kung gusto talaga nitong magbakasyon at mag-world tour.
“Kung ‘yan po ang nais niya na magbakasyon at mag-world tour, ibigay ang hilig,” saad niya.
Paliwanag ni Castro, wala naman daw kasing Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) at Precautionary Hold Departure Order (PHDO) si VP Sara.
“Considering na wala siyang ILBO, wala rin siyang Precautionary Hold Departure Order. So ‘yon lamang po,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: 23 araw na biyaheng abroad ni VP Sara, aprub sa Palasyo