Binatikos ni dating Vice President Jejomar Binay ang gobyerno dahil sa kalituhan ng publiko kaugnay ng paggamit ng face shield sa bansa.
Aniya, tatlong beses nagpalit ng polisiya sa face shield ang pamahalaan nitong Huwebes at sinabing walang koordinasyon ang mga opisyal ng pamahalaan sa nasabing usapin.
“All they needed to do was coordinate. Pero ‘yun lang, hindi nagawa. Uulitin ko ang aking tanong noon: Wala ba silang group chat?”
Binira rin nito ang pamahalaan dahil sa pagbabaya sa mahahalagang bagay, katulad ng contact tracing, testing, at pagbabakuna.
“Government response on these three critical areas remains inadequate. Kulang na kulang at kailangang mag-improve at ‘yan ang sabi mismo ng World Bank.
Magtataka pa ba tayo kung bakit hanggang ngayon, mataas pa rin ang COVID-19 cases at tumataas pa sa labas ng NCR?”
Nitong Huwebes, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat isuot lamang ang face shield sa mga ospital, ayon na rin kay Senate President Vicente "Tito" Sotto III.
Ang naturang pahayag ay kinumpirma rin ni Presidential spokesperson Harry Roque.
Gayunman, matapos ang ilang oras ay inanunsyo ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na irerekomenda nila kay Duterte ang kinakailangang pagsusuot nito sa mga kulob na lugar.
Jel Santos