NUEVA ECIJA – Dalawang pinaghihinalaang tulak ng ipinagbabawal na gamot ang napatay matapos umanong makipagbarilan sa mga awtoridad sa magkahiwalay na operasyon sa Talavera at Cabanatuan City, kamakailan.
Kinilala ni Talavera Police chief, Lt. Col. Heryl Bruno, ang unang napatay na si Oliver Agapito, 46, taga-Brgy. Pula, Talavera.
Naiulat na nakipagbarilan ito sa mga pulis sa isang buy-bust operation na nagresulta sa pagkasawi nito, nitong Sabado ng umaga.
Narekober sa kanya ang P102,000 halaga ng shabu at isang Cal. 38 revolver.
Sa Cabanatuan City, napatay naman ang umano’y drug pusher na si Jason Ando, taga-Brgy. Mabini Homesite ng naturang lungsod, matapos lumaban sa mga pulis na nagtatangkang umaresto sa kanya sa ikinasang anti-illegal drugs operation.
Nasamsam sa lugar ang isang homemade na Cal. 45 pistol, isang plastic ng umano’y shabu at marked money.
Ariel Avendaño at Light Nolasco