Binira ng ilang kongresista ang Department of Health (DOH) dahil sa pagkabigong ipamahagi sa mga ospital ang may 370 respirators na donasyon ng ilang kompanya mula sa industriya ng tabako kung kaya ang mga ito ay nanatili lang sa bodega at hindi nagamit.

"Ito ay criminal negligence. Nakatulong sana sa pagliligtas ng mga buhay ang mga respirator," sabi ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez, sa pagdinig ng House Committee on Good Government nitong Miyerkules.

“My district in Cagayan De Oro, which has one of the highest cases of COVID-19 in the country, badly needs these respirators.”

Bukod kay Rodriguez, inalmahan din ito nina Puwersa ng Bayaning Atleta Rep. Jericho Nograles, AAMBIS-OWA Rep. Sharon Garin at Rep. Michael Aglipay, chairman ng komite.

National

Balita, isa sa 'most trusted tabloids' sa bansa—survey

Ikinatwiran naman ng DOH na kaya nila pinigil ang pamahahagi ng mga respirator dahil sa isang

Joint Memorandum Circular (JMC) 2010-01 na inisyu ng DOH at Civil Service Commission (CSC).

Sa ilalim ng JMC — nilagdaan ng noo’y CSC chief Francisco Duque III, ngayon ay DOH secretary — ipinagbabawal ng gobyerno ang interaction o pakikipag-ugnayan sa tobacco industry, kabilang ang pag-iisyu ng mga resibo at donasyon.

Sa pagdinig, sinabi ni CSC Commissioner Aileen Lourdes Lizada na ipina-recall niya ang “defective JMC", at sinabi walang rekord sa CSC na nagkakaloob ng awtoridad kay Duque na lagdaan ang JMC sa ngalan ng kanilang “collegial body.”

Ang pagkakatuklas sa hindi naipamahaging respirators ay unang nabanggit sa nakaraang pagdinig ng House Committee on Good Government tungkol sa reports na ang DOH at Food and Drug Administration (FDA) ay tumanggap umano ng pera mula sa anti-tobacco, foreign interest groups sa pangunguna ng Bloomberg Initiative.

Ayon kay Nograles, ang pangunahing tungkulin ng DOH ay iligtas ang buhay ng mga Pilipino, gayunman, pinili pa nilang iprayoridad ang kampanya laban sa tabako.

“The DOH did not perform its function because they are really against the tobacco industry,” sabi pa ni Rodriguez. “They should answer for this,” dagdag pa nito.

Bert de Guzman