GAPAN CITY - Dead on the spot ang isang 54-anyos na magsasaka matapos pagbabarilin ng isang hindi nakikilalang lalaki habang patungo sa kanyang bukid sa Purok 3, Barangay Sto. Cristo ng naturang lungsod, kamakailan.
Kinilala ng Gapan City Police ang biktima na si Romeo Abrigas, binata, at taga-nasabing lugar.
Sa police report, naglalakad ang biktima patungo sa bukid nito nang biglang sumulpot ang suspek na nakasuot ng bonnet, naka-berde na jacket, naka-maong pants at sakay ng motorsiklo.
Bigla na lamang binaril ng suspek ang biktima na binawian kaagad ng buhay sa pinangyarihan ng insidente.
Kaagad na tumakas ang suspek patungo sa direksyon ng San Miguel sa Bulacan, ayon sa pulisya.
Iniimbestigahan pa ng mga pulis ang kaso.
Light Nolasco