BAGUIO CITY – Kalaboso ngayon ang isang estudyanteng Yemeni matapos mahuling may mga tanim ng marijuana sa loob ng kanyang bahay sa 149 Purok 5, Bakakeng Central, Baguio City, nitong Hunyo 5.
Sa panayam, sinabi ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Director Gil Castro na hindi nakapalag ng suspek na si Hussain Muaad Hasan,21, alyas Muath Yaf, nang dakpin ito ng mga tauhan ng PDEA-Cordillera Administrative Region (CAR), Baguio City Police Station-Station 10, at Criminal Investigation Unit, Drugs Enforcement Unit sa kanyang bahay.
Aniya, isinagawa ang pagsalakay sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Baguio City Regional Trial Court Branch 5 Judge Maria Ligaya Itliong-Rivera.
Ayon kay Castro, matagal na nilang sinusubaybayan si Hasan matapos ireklamo ng mga kapitbahay sa pagiging maingay, kasama ang ilang kaibigan, tuwing lulong umano sa droga.
Nakumpiska sa bahay ni Hasan ang tatlong paso na may tanim na marijuana at 6 gramo ng dried marijuana stalks.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang PDEA sa posibleng koneksyon ni Hasan sa paglaganap ng iligal na droga sa lungsod.
Zaldy Comanda