Tag-ulan na naman. Opisyal na idineklara ng state weather bureau, ang PAGASA, ang pagsisimula ng tag-ulan sa bansa noong Biyernes, Hunyo 4.
Sa biruan at tuksuhan, maririnig na muli ang mga salitang "Madidiligan na naman ang darang na bukid" na kaytagal na natuyo sa hindi pagbagsak ng ulan.
Ang mga magsasaka sa buong bansa, kabilang ang mga magsasaka sa aking bayan sa Bulacan, ay tiyak na sasalubungin ang pagdating ng tag-ulan nang may pag-asa, Sila ay makapagtatrabaho na sa bukid, mabubungkal ang lupa upang tamnan ng palay. Gusto ko ring umuwi sa aming baryo para mag-araro sa aming bukid, pero naka-lockdown pa rin tayo ngayon.
Sinabi ni Vicente Malano, administrador ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), na ang pagkakaroon ng malawakang pag-ulan sa nakalipas na limang araw at pag-iral ng southwest monsoon ay simula ng tag-ulan.
Ayon kay Malano, ang pabugsu-bugsong pag-ulan ay makaaapekto sa Metro Manila at sa kanlurang bahagi ng bansa na nasa ilalim ng Type 1 climate o mga lugar na may "distinct dry and wet season."
Ang buwan ng Hunyo ay hindi lang buwan ng pagsisimula ng wet season. Inaabangan din ng mga magsing-irog upang sa buwang ito magpasakal, este magpakasal. Di ba may tinatawag tayong "June bride"? Aba, eh sa buwang ito tiyak na "madidiligan" ang "darang" na kalagayan ng nililiyag.
Mahalaga rin ang buwan ng Hunyo sapagkat sa buwang ito natin ipinagdiriwang ang Araw ng Kalayaan tuwing Hunyo 12. Iprinoklama ni Gen. Emilio Aguinaldo ang Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas noong Hunyo 12,1898 sa Kawit, Cavite.
May nagtatanong sa akin kung sa loob ng nakalipas na maraming taon ay talaga nga bang naging malaya ang mga Pilipino sa mga dayuhang mananakop. Ako man sa sarili ko ay nagtatanong din ng ganoon. Malaya nga ba tayo?
Sinakop tayo ng mga Kastila sa loob ng mahigit na 300 taon. Sinakop tayo ng mga Amerikano sa mahigit na 50 taon. Sinakop tayo ng mga Hapon ng kung ilang taon (4 yata o 5). Lahat ay naalpasan natin ang mga pananakop. Para tayong isang ibon na nakawala sa hawla.
Ngayon, maraming Pinoy ang may paniniwala na bagong dayuhan ang nang-ookupa sa mahalagang bahagi ng Pilipinas. Siguro naman ay nahuhulaan ninyo kung sino ang dayuhang ito na isang dambuhala sa laki at may pinakamaraming tao sa buong mundo.
Sa pagdiriwang natin ng ika-193 anibersaryo ng Araw ng Kalayaaan (Kasarinlan o Pagsasarili), mag-isip tayong mataman at magsuring mabuti kung ang mga lider natin ay kumikilos at nagsisikap upang tayo'y makapagsarili at hindi hawak sa leeg ng mga dayuhan!