Hindi pinahintulutan ng Philippine Basketball Association (PBA) Board of Governors si NLEX guard Kiefer Ravena na makapaglaro sa Japan B.League.
Ayon sa PBA board of governors, kailangang kilalanin at bigyang halaga ni Ravena ang kanyang pinirmahang kontrata sa Road Warriors.
Noong Miyerkules, usap-usapan ang napipintong pagsunod ni Ravena sa nakababatang kapatid na si Thirdy Ravena na kasalukuyang nasa Japan at naglalaro sa B.League sa koponan ng SanEn-Neo Phoenix nang ianunsiyo ng Shiga Lakestars ang pagpirma nito ng kontrata sa koponan bilang bahagi ng kanilang Asian players quota.
Sa isang press conference nitong Sabado, sinabi ni PBA chairman Ricky Vargas na gusto nilang mapanatiling sagrado ang nasabing kontrata.
"The Board has come out with its decision and its decision follows specifically a philosophy on the importance of a contract, which is important in Philippine law and the PBA and in FIBA," ani Vargas.
"The philosophy is basically the sanctity of the contract. Breaking that contract is very difficult for us to manage moving forward," dagdag nito."We would like to avoid the consequences if a contract is broken," wika naman ni PBA vice chairman Bobby Rosales.
Nauna rito, sinabi rin ng pamunuan ng NLEX na kailangang sumunod ni Ravena sa PBA rules at sa nakapaloob sa kanyang kontrata.
Kaugnay nito, sumulat na ang PBA sa Japan B.League upang ipaliwanag kung bakit hindi puwedeng maglaro si Ravena sa Shiga Lakestars.
Ayon kay Vargas, ang sulat ay ipinadala nila kay B.League President Shinji Shimada.
Marivic Awitan