Hindi pa rin nakapagdesisyon si Pangulong Rodrigo Duterte kung kakandidato ito bilang Bise Presidente sa 2022 national elections.
Ito ang kinumpirma ni Presidential spokesman Harry Roque at sinabing pinagtutuunan muna ng pansin ng Pangulo ang mga problema sa bansa, katulad ng kampanya nito sa pagbabakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
“Noong kinausap ko siya diyan eh wala pa po siyang desisyon Mayroon lang mga options talaga siyang sinabi ‘no at as of now, siguro nakatutok pa rin ang Presidente po dito sa pandemya, sa bakuna,” aniya.
Mahalaga aniya ang pagbabakuna ng mga Pinoy upang matiyak na ligtas ang mga botante laban sa virus sa idaraos na national at local election sa susunod na taon.
“Ang importante naman ay mabakunahan ang pinakamarami nating mga kababayan nang sa ganoon magkaroon po talaga tayo ng eleksiyon kung saan ang mga tao at ang mga kandidato ay magkakaroon ng pagkakataon na magkaroon ng panayam at makaboto nang pinakamabuting mga kandidato ang ating electorate,” dagdag pa ng tagapagsalita ng Pangulo.
Matatapos ang termino ni Duterte sa Hunyo 2022, kinukumbinsi umano ito ng mga kaalyado sa politika na kumandidato sa pagka-bise presidente.
Genalyn Kabiling