Iniimbestigahan na ng Department of Health (DOH) ang napaulat na umano’y ‘overpricing’ sa gamot na ‘remdesivir’ na isang anti-viral drug na ginagamit na panlunas sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Dr. Anna Guerrero, hepe ng Pharmaceutical Division ng DOH, nakatanggap sila ng reklamo mula sa mga pasyente na ang singil sa kanila ng remdesivir sa mga ospital ay umaabot ng mula P15,000 hanggang P27,000 dahil umano sa fluctuating supply nito.
Napakataas aniya nito, gayung sinabi na ng DOH na ang halaga lamang ng remdesivir ay dapat na nasa mula P1,500 hanggang P8,200 lamang.
Binigyang-diin pa ni Guerrero na ang halaga ng importasyon ng naturang gamot ay hindi dapat na lalampas ng P5,000.
"Meron pong resibo na ganun po ang nakasaad, minsan P15,000, P20,000--ang pinakamaatas yata P27,000,"aniya.
Sinabi pa ni Guerrero na posibleng sa mga ospital ang mataas ang patong ng presyo ng gamot dahil nang tanungin aniya nila sa suppliers kung magkano ang presyo ng gamot na imported mula sa India ay hindi naman aniya ito ganoon kataas.
"When we asked suppliers po...kasi imported po ito from India, hindi po ganun kataas so mukhang ang patong po talaga ay sa mga ospital," aniya pa.
Tiniyak naman ni Guerrero na nakikipagtulungan na sila sa Department of Trade and Industry (DTI) upang mag-imbestiga sa usapin.
"Mahirap din kasi ang supply ngayon ng remdesivir. Mayroon ding pandemic sa India. Mataas din ang kaso nila. In fact mas mataas kaya nagkaroon ng export ban at nahihirapan din sila mag-sort ngayon," dagdag pa ng opisyal.
Mary Ann Santiago