Patay ang isang pedestrian nang mabundol ng motorsiklo habang tumatawid sa kalsada sa Baras, Rizal nitong Lunes.

Dead on arrival sa Cabading Hospital ang biktimang si Leonardo Omapas dahil sa mga sugat sa ulo at katawan habang sugatan din ang driver ng motorsiklo na si Jomar Revilla, na sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide.

Batay sa ulat ng Baras Municipal Police Station, dakong 5:50 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa tapat ng Frey-Fil Corporation sa Sitio Kapatagan, Bgy. Pinugay, Baras.

Nauna rito, sakay umano ng isang motorsiklo si Revilla at binabagtas ang Sitio Kapatagan patungong Sitio Rizza sa Brgy. Pinugay nang pagsapit sa naturang lugar ay aksidente nitong mabangga si Omapas na noon ay tumatawid naman sa kalsada.

Eleksyon

Sen Imee, galit kay 'Lulong'

Dahil sa tindi ng impact nang pagkakabangga ay tumilapon ang biktima at nagtamo ng sugat sa ulo at katawan.

Kaagad naman itong isinugod ng kanyang mga kasamahan sa pagamutan ngunit hindi na umabot ng buhay.

Ang suspek naman na nasugatan din dahil sa aksidente ay dinala sa Rizal Provincial Hospital upang malapatan ng lunas.

Mary Ann Santiago