Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang kasama nitong 15-anyos na binatilyo matapos silang pagbabarilin ng tatlong hindi kilalang mga suspek sa Taguig City, kaninang madaling araw.

Dead on the spot ang biktima na si Jovenir Sarmiento, alyas "Ontog", 27, residente ngBarangay Bambang, Taguig City, sanhi ng tinamong ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Habang patuloy na nilalapatan ng lunas sa Taguig-Pateros District Hospital ang menor de edad na si alyas "John," 15, ngBgy. Bambang sa nasabing lungsod, na nagtamo ng isang tama ng bala sa kaliwang balikat.

Samantala, inaalam pa ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng dalawang lalaking suspek at isang babae na mabilis na tumakas sa hindi batid na direksyon.

National

Ilang retiradong AFP at PNP officials, sumulat kay PBBM; inalmahan 2025 nat'l budget?

Sa ulat ng Taguig City Police, naganap ang pamamaril sa panulukan ng MLQ at Sampaloc St., Bgy. Lower Bicutan sa Taguig City, dakong 1:30 ng madaling araw kaninang umaga.

Sa inisyal na pagsisiyasat nina SSg Galauran, SSg Pacete at Cpl Dalisay, batay sa salaysay ng saksi na isang Gary Castillo, nakarinig siya ng sunud-sunod na putok ng baril sa lugar dahilan upang tingnan nito sa labas, dito natagpuan si Sarmiento na nakabulagta, wala nang buhay at naliligo sa sariling dugo sa tabi ng motorsiklo ng biktima habang sugatan naman ang naturang menor de edad.

Mabilis na humingi ng tulong si Castillo sa Bgy. Lower Bicutan at Substation 10 kaya agad na nadala ang binatilyo sa naturang pagamutan .

Nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang awtoridad sa naturang kaso.

Bella Gamotea