Inanunsyo sa publiko ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na itataas na raw ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mga benepisyo para sa mga buntis at manganganak sa ospital.
Ayon sa inilabas na video statement ng Pangulo sa kaniyang Facebook page nitong Miyerkules, Abril 29, 2026, sinabi niyang alam daw niya kung gaano kamahal ang pagbubuntis at panganganak sa Pilipinas dahil sa mga check-up, laboratory test, pagpunta sa ospital,at pagbili ng mga gamot.
Aniya pa, sa pagtitipid daw nagsisimula ang panganib na kinakaharap ng marami dahil sa kakulangan ng kanilang pambayad sa ospital.
Dahil dito, inanunsyo ni Marcos, Jr. na mas palalawakin at itataas ang maternity benefits na manggagaling mula sa PhilHealth mula sa darating Huwebes, Abril 30, 2026.
“Ito ang nais nating baguhin. Simula ng April 30, mas pinalawak at mas mataas na ang maternity benefit ng PhilHealth,” pagsisimula niya.
Ani Marcos, Jr., tataas daw mula sa ₱9,750 hanggang ₱29,000 ang sasagutin ng PhilHealth sa mga manganganak nang normal sa ospital at tataas din mula ₱27,000 hanggang ₱58,000 o ₱62,000 ang ibibigay na benepisyo ng nasabing ahensya sa mga cesarean section.
“Para sa normal delivery sa ospital, mula ₱9,750 magiging ₱29,000 na ang sasagutin. Para naman sa cesarian section, mula sa ₱27,000 ay magiging ₱58,000 hanggang ₱62,000 na,” paliwanag niya.
Saad ng Pangulo, maaari na rin daw walang bayaran ang mga manganganak sa mga pribadong ospital.
“Sa maraming pagkakataon, kung sa ward manganganak, kahit sa private hospital, maaari nang wala nang babayaran paglabas,” ‘ika niya.
Dagdag pa niya, “Pinalawak din ang prenatal care. Mula apat na check-up magiging walo na ang sasagutin ng PhilHealth, kasama na ang mga bakuna at laboratory test. Pagkatapos naman ng panganganak, may tatlong follow-up visit na sakop na rin.”
Pagpapatuloy ng Pangulo, layunin daw niyang matiyak na ang bawat mga ina ay magsisilang ng kanilang sanggol nang ligtas at hindi nag-aalala kung saad hahanap ng pambayad.
“Nais natin na walang buhay ang malalagay sa panganib dahil lamang sa kakulangan ng pera,” pagtatapos pa niya.
MAKI-BALITA: 'Malapit na sana nating napauwi:' PBBM, dismayadong wala na sa Czech Republic si Zaldy Co