Tatlo na ang naiulat na napatay na pulis matapos na ambusin ng pinaghihinalaang grupo ng New People's Army (NPA) ang convoy ni Occidental Mindoro Governor Eduardo Gadiano sa liblib na bahagi ng Barangay Nicolas, Magsaysay ng nasabing bayan, nitong Biyernes ng umaga. 

Sa report ng Occidental Mindoro Provincial Police Office, dakong 2:30 ng madaling araw nitong Sabado nang bawian ng buhay sa ospital si Staff Sgt. Nolito Develos dahil sa mga tama ng bala sa katawan.

Binawian kaagad ng buhay sa pinangyarihan ng insidente sina Police Executive Master Sergeant Jonathan Alvarez at Corporal Stan Gonggora bunsod ng mga tama ng bala sa katawan.

Binanggit ng pulisya na pinauwi na rin kaagad ang 11 pang pulis na nasugatan na naunang isinugod sa ospital.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, ang insidente ay naganap sa bahagi ng Sitio Banban, dakong 10:30 ng umaga.

Sa pahayag ni Lt. Col. Jordan Pacatiw, provincial director ng Occidental Mindoro Police, bigla na lamang pinagbabaril ng grupo ng umano'y mga rebelde ang security convoy ni Gadiano na kagagaling lamang dumalo sa "Serbisyo Caravan" ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC).

Nakalagpas na umano sa lugar ang sinasakyan ni Gadiano mula sa convoy nang maganap ang pananambang.

Hindi nasugatan o nasaktan si Gadiano sa insidente, ayon sa pulisya.

Tinutugis pa rin ng mga tauhan ng Special Action Forces (SAF) at Philippine Army ang grupo ng mga rebelde.

Rommel Tabbad