Sa opisyal na pagsisimula ng Habagat season o panahon ng tag-ulan, nararapat din nating malaman kung ano iba't ibang katergorya ng isang bagyo o tropical cyclone.
Ano nga ba ang bagyo?
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang Bagyo ay isang malawakang weather system na mula 150 kilometers ang radius o at least 300 kilometers ang lawak nito. Nagdadala ito ng malalakas na hangin at mabigat na buhos ng ulan. Namamataan ito dahil pag-ikot ng mga ulap o meron nang circulation.
Sa Pilipinas mayroong inaasahang 20-25 bagyo ang pumapasok o namumuo sa Philippine Area of Responsibility o PAR taon-taon at walo hanggang siyam dito ay nagla-landfall o tumatama sa kalupaan.
Ang landfall ng bagyo, ayon sa PAGASA, ay nangangahulugan na ang sentro o mata ng bagyo ay tumama sa anumang kalupaan ng bansa. Hindi ito kapareho ng pagpasok ng bagyo sa PAR, dahil malayo ang hangganan ng PAR sa kalupaan ng bansa upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga mamamayan na makapaghanda.
Ano-ano ang classification o kategorya ng bagyo?
Ang isang bagyo o tropical cyclone sa Ingles ay inuuri ayon sa lakas at maximum sustained winds malapit sa mata nito.
May limang (5) classification ang mga bagyo sa Pilipinas, ang una at pinakamahinang bagyo ay TROPICAL DEPRESSION na may lakas ng hangin na umaabot hanggang 61 kilometers per hour malapit sa gitna.
Sumunod ay ang TROPICAL STORM ay bagyong may hanging 62 kilometers per hour hanggang 88 kilometers per hour
Ang ikatlo ay SEVERE TROPICAL STORM, ito ay may lakas ng hangin sa pagitan ng 89 kilometers per hour hanggang 117 kilometers per hour.
Ang TYPHOON naman ang tawag sa bagyo na umaabot ang dalang hangin sa pagitan ng 118 kilometers per hour hanggang 220 kilometers per hour.
At ang pinkamataas na classification ngayon sa Pilipinas ay tinatawag na Super Typhoon. Ang SUPER TYPHOON ay mga bagyong may dalang hangin na hindi bababa sa 220 kilometers per hour.
Ano naman ang tinatawag ng tropical cyclong wind signal o TCWS?
Ang TCWS ay babala na inilalabas ng PAGASA upang ipaalam sa publiko ang mga maaaring epekto ng dalang hangin ng isang Bagyo.
Mayroong limang (5) TROPICAL CYCLONE WIND SIGNAL na inilalabas ang PAGASA.
Una na dito ang TCWS # 1, kung ang hanging dala ng bagyo ay mula 30kph hanggang 60 kph na inaasahan sa loob ng 36 oras.
Ikalawa ang TCWS # 2 kung ang dalang hangin ng bagyo ay mula 61 kph hanggang 120 kph na inaasahan sa loob ng 24 oras.
TCWS # 3 naman kung ang dala na hangin ng bagyo ay mula 121 kph hanggang 170 kph na inaasahan naman sa loob ng 18 oras
Habang TCWS # 4 naman kung ang inaasahang hangin ng bagyo sa susunod na 12 oras ay nasa pagitan ng 170 kph hanggang 220 kph.
Ang pinakamataas na warning ay TCWS # 5 kung saan ang dalang hangin ng bagyo ay higit sa 220 kph na inaasahan sa loob ng 12 oras.