Sa gitna ng tumitinding trapiko, mataas na presyo ng gasolina, at paghahanap ng mas murang transportasyon, lalong sumisikat sa Pilipinas ang paggamit ng e-bike o electric bike, lalo na ngayong National E-Bike Day.
Mula sa mga estudyante hanggang sa mga manggagawa, marami ang lumilipat sa e-bike dahil sa pagiging praktikal nito.
Ngunit kasabay ng pagdami ng gumagamit ay ang mga usapin tungkol sa kaligtasan, regulasyon, at disiplina sa kalsada.
MGA BENEPISYO NG E-BIKE
Isa sa pinakamalaking dahilan kung bakit pinipili ng marami ang e-bike ay ang mababang gastusin nito kumpara sa mga sasakyang gumagamit ng gasolina.
Batay sa ulat ng World Health Organization (WHO) at Department of Health (DOH), nakatutulong ang paggamit ng bisikleta at iba pang katulad na alternatibong transportasyon upang mabawasan ang carbon footprint, makatipid sa gastos sa biyahe, at mapabuti ang pisikal at mental na kalusugan.
Ayon naman sa isang pag-aaral tungkol sa e-bike adoption sa Pilipinas, nakikita ng maraming Pilipino ang e-bike bilang isang cost-efficient at environment-friendly na paraan ng pagbiyahe lalo na sa mga lugar na madalas makaranas ng matinding trapiko.
Sa isa pang pag-aaral sa Laoag City, lumabas na 72.89% ng mga respondent ang nagsabing isa sa kanilang pangunahing dahilan sa paggamit ng e-bike ay ang kagustuhang makatulong sa pangangalaga ng kalikasan.
MGA PANGANIB AT HAMON
Gayunman, hindi rin nawawala ang mga concern tungkol sa paggamit ng e-bike.
Batay sa nasabing pag-aaral sa Laoag City, marami pa ring e-bike users ang kulang sa kaalaman hinggil sa traffic rules at road safety. Lumabas din sa resulta na isa sa pinakamalalaking problema ng traffic enforcers ay ang mga gumagamit ng e-bike na hindi marunong tumawid nang tama sa mga intersection at hindi pamilyar sa basic traffic regulations. Kaya nga kamakailan lamang, ipinagbawak sa national roads at highways sa Metro Manila ang pagdaan ng e-bikes.
Maki-Balita: Pagpapabawal sa mga e-trike, e-bike sa nat'l roads ngayong Dec. 1 ipinagpaliban ng LTO
Maki-Balita: E-bike, e-trike, ipagbabawal na sa mga pangunahing kalsada, simula Dec. 1!
Ipinakita rin sa pag-aaral na may kakulangan sa awareness hinggil sa ilang regulasyon gaya ng licensing requirements at tamang paggamit ng kalsada. Dahil dito, inirekomenda ng mga mananaliksik ang mas mahigpit na information campaign at mandatory safety seminars para sa mga gumagamit ng e-bike.
Samantala, may mga ulat ding nag-uugnay sa pagdami ng e-bike sa mga isyu ng road safety dahil sa speed mismatch sa pagitan ng e-bike at iba pang sasakyan sa pangunahing lansangan.
MAS MAHIGPIT NA REGULASYON, KAILANGAN BA?
Ayon sa mga eksperto, mahalagang magkaroon ng balanse sa pagitan ng pagsusulong ng sustainable transportation at pagpapatupad ng tamang regulasyon.
Batay sa ulat ng Clean Air Asia, patuloy ang paglago ng electric vehicle sector sa Pilipinas, kabilang ang e-bikes at e-trikes, lalo na matapos maisabatas ang Electric Vehicle Industry Development Act o EVIDA Law. Ayon sa ulat ng Department of Energy (DOE), ang EVIDA na kilala rin bilang Republic Act No. 11697, ay batas sa Pilipinas na nagtataguyod ng paggamit ng mga electric vehicle (EV) at nagbibigay ng pambansang polisiya para sa pagpapaunlad ng industriya ng EV sa bansa.
Gayunpaman, binibigyang-diin ng mga pag-aaral na hindi sapat ang pagkakaroon lamang ng alternatibong sasakyan. Kailangan ding tiyakin na may sapat na kaalaman ang mga gumagamit tungkol sa traffic laws, road courtesy, at safety measures upang maiwasan ang aksidente.
MAS PRAKTIKAL PERO MAY KAAKIBAT NA RESPONSIBILIDAD
Para sa maraming Pilipino, malaking tulong ang e-bike bilang alternatibong transportasyon sa panahon ng mataas na gastusin at matinding trapiko.
Ngunit paalala ng mga eksperto, kasabay ng benepisyo ng mura at environment-friendly na paggamit nito, ay ang responsibilidad na sumunod sa batas trapiko at maging maingat sa kalsada.
Sa huli, hindi lamang teknolohiya ang susi sa ligtas na paggamit ng e-bike kundi disiplina at tamang kaalaman ng bawat gumagamit nito.