May 30, 2026

Home BALITA

Meralco, nanindigang makatwiran ang singil nila sa kuryente

Meralco, nanindigang makatwiran ang singil nila sa kuryente
Photo courtesy: MB file photo

Naglabas ng pahayag ang Manila Electric Company (Meralco) upang tugunan ang lumalaking pangamba at mga reklamo ng ilang konsyumer kaugnay ng biglaang pagtaas ng kanilang mga bayarin sa kuryente.

Ayon kay Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe Zaldarriaga, ang kasalukuyang singil sa kuryente sa bansa ay sumasalamin sa tunay na halaga ng supply ng enerhiya at hindi sinusuportahan ng subsidiya mula sa pamahalaan.

“We would like to reiterate that electricity rates in the Philippines, not just Meralco’s, reflect the true cost of power as these do not have government subsidies unlike those in our neighboring countries,” ani Zaldarriaga sa isang pahayag nitong Sabado, Mayo 30, 2026.

Ipinaliwanag niya na malaking bahagi ng kabuuang singil sa kuryente ay napupunta sa generation charges, na naaapektuhan ng iba't ibang salik tulad ng galaw ng merkado, presyo ng fuel, aktuwal na kondisyon ng suplay ng kuryente, at pagbabago sa foreign exchange rates.

Sa kabila nito, iginiit ng Meralco na nananatili itong tapat sa prinsipyo ng transparency sa pagsingil sa mga customer.

Probinsya

DSWD, sasampahan ng kaso ‘fake survivor’ sa pagguho sa Pampanga

Ayon kay Zaldarriaga, malinaw na nakasaad sa mga bill ng Meralco ang bawat bahagi ng singil upang makita ng mga konsyumer kung saan napupunta ang kanilang binabayaran.

“Most of which are pass-through costs,” aniya, na tumutukoy sa mga singil na ipinapasa lamang ng kumpanya at hindi direktang kita ng Meralco.

Sinabi rin niya na humigit-kumulang 12% lamang ng kabuuang bayarin ng mga customer ang aktuwal na distribution charge ng kumpanya.

“Meralco’s distribution rate has not increased for more than 15 years despite year on year increase in the cost of basic goods and commodities brought about by yearly inflation and continued weakening of peso against the US dollar,” dagdag niya.

Ayon pa sa opisyal, sa kabila ng hindi pagtaas ng distribution rate sa loob ng mahigit isang dekada, nagpatuloy ang Meralco sa pamumuhunan para sa modernisasyon ng sistema, pagpapahusay ng pagiging maaasahan ng serbisyo, digitalization, at pagpapabuti ng customer service.

“In spite of this, Meralco continued its investments in system modernization, reliability improvements, digitalization, and customer service enhancements,” ani Zaldarriaga.

Kasabay nito, ipinahayag ng Meralco ang suporta nito sa mga hakbang ng pamahalaan at ng sektor ng enerhiya upang makahanap ng pangmatagalang solusyon para mapababa ang presyo ng kuryente sa bansa.

“We have always been very proactive in seeking ways to ease the burden on all power consumers and implement initiatives that mitigate increases in rates, under the leadership of DOE and guidance of the ERC,” aniya.

Binigyang-diin din niya na bukas ang kumpanya sa pakikipag-ugnayan sa pamahalaan, mga regulator, mambabatas, at iba pang stakeholder upang makabuo ng mga hakbang na makatarungan at naaayon sa umiiral na batas.