Inaasahan ng Department of Education (DepEd) na aabot sa pagitan ng 26 milyon at 28 milyong mag-aaral ang magpapalista para sa School Year 2026-2027 na magsisimula sa Hunyo 8, 2026.
Sa panayam sa Super Radyo dzBB nitong Sabado, Mayo 30 sinabi ni DepEd Assistant Secretary Jocelyn Andaya na handa ang ahensya na tugunan ang inaasahang bilang ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa bansa.
Ayon kay Andaya, sapat ang bilang ng mga guro at non-teaching personnel upang masuportahan ang operasyon ng mga pampublikong elementarya at sekundaryang paaralan.
“Marami po tayo ngayong mga bagong item… Ang tinitignan po natin dito ay sapat po ang ating magiging numero ng mga guro para ngayong school year… Kung ideal ang pag-uusapan, may kulang po tayo, pero meron din tayong schools na ang kanilang teachers ay more than enough,” ani Andaya.
Tinatayang mahigit isang milyong teaching at non-teaching personnel ang kasalukuyang nasa ilalim ng DepEd. Dahil dito, inaasahan ng ahensya na mapanatili ang student-to-teacher ratio na 35:1 sa mababang antas ng edukasyon at 45:1 naman sa mas mataas na antas.
Gayunman, inamin ni Andaya na mas mataas ang ratio sa mga urban area, partikular sa National Capital Region (NCR), kung saan maaari itong umabot sa 50 hanggang 55 estudyante kada guro.
Samantala, nananatiling hamon para sa DepEd ang kakulangan sa mga silid-aralan, na kasalukuyang may backlog na nasa 136,000 classrooms sa buong bansa.
“Marami tayong modes accelerating classroom construction kabilang ang public-private partnership, collaboration with LGUs at Adopt-a-School initiative,” ani Andaya.
Ayon sa opisyal, umaasa rin ang kagawaran na matatapos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mahigit 9,000 silid-aralan ngayong taon.
“Kasabay nito, inasahan din natin na matatapos ng DPWH ang mahigit 9,000 silid-aralan ngayong taon, kabilang dito ang mga bagong proyekto at mga naiwang backlog sa nakaraang taon,” dagdag niya.
Batay sa datos ng DepEd para sa School Year 2025-2026, nasa 1:32 ang classroom-to-student ratio sa elementarya, 1:39 sa junior high school, at 1:36 naman sa senior high school.
Tiniyak din ng DepEd na magkakaroon pa rin ng mga learning materials ang mga mag-aaral habang hinihintay ang pagdating ng mga bagong textbook.
“Last year, may mga na-deliver na po tayo kaya hindi pa po kumpleto, at ngayong taon ay minamadali na natin ang ating procurement… Habang wala pong mga libro talaga ang ating mga bata, ay meron naman po tayong tinatawag na supplementary learning materials at mga lesson activity sheets,” ani Andaya.
Ayon sa timeline ng DepEd, inaasahang magsisimulang maihatid ang mga bagong textbook sa Hulyo. Sinabi rin ni Andaya na nananatiling layunin ng ahensya na magkaroon ng isang aklat para sa bawat mag-aaral upang higit na mapabuti ang kalidad ng pagkatuto sa mga paaralan.