Isang retiradong pulis ang napatay nang pagbabarilin ng mga hindi nakikilalang salarin habang ito ay nakasakay sa kanyang kotse sa Barangay IVC, Marikina City, nitong Huwebes ng umaga.
Kinilala ni Eastern Police District (EPD) Director Brif. Gen Matthew Baccay ang biktima na si Nomer Cardines, 46, negosyante, at taga-No. 5 Pres. Magsaysay St., Bgy. IVC.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek na pawang nakasuot ng face mask, at tumakas sakay ng isang gray na Hyundai Starex van, na may sticker na MB 8102 at isang kulay puting van.
Sa police report, kasasakay lamang umano ng biktima sa kanyang Hyundai Accent na may plakang WJO-441 nang biglang lumapit sa kanya ang dalawa sa mga suspek.
Binuksan ng mga suspek ang sasakyan ng biktima at saka inutusan ang isang helper na kasama nito na bumaba ng behikulo.Matapos ito ay kaagad nang pinagbabaril ng mga suspek ang biktima na nagresulta sa agaran nitong kamatayan.
Narekober ng pulisya sa crime scene ang 18 basyo ng bala ng M16 Armalite rifle, dalawang basyo ng bala ng Cal. 9mm pistol at isang deformed fired bullet.
Inaaam pa ng mga awtoridad ang motibo sa krimen.
Mary Ann Santiago