Patuloy na nilalapatan ng lunas sa Ospital ng Makati ang isang binata matapos pagsasaksakin ng nakaalitan nitong isang estudyante na nasamsaman pa ng awtoridad ng hinihinalang marijuana sa Makati City, nitong Lunes.

Kinilala ang biktima na si Edward BJ Pascua, 23, binata, at nakatira sa Cadena de Amor corner Calachuchi Street, Barangay Pembo, Makati City.

Iniimbestigahan naman ngayon sa tanggapan ng Station Investigation and Detective Management Section ng Makati City Police ang suspek na si Gino Sales,18, binata, estudyante, ng Bgy.Comembo sa nasabing lungsod.

Sa ulat ng Southern Police District, naganap ang pananaksak sa 29th Avenue haparan ng Calabines Compound, Bgy. East Rembo sa lungsod, dakong 4:00 ng hapon.

Eleksyon

Kabataan Party-list, itutulak pagpapatalsik kay VP Sara

Ayon sa inisyal na imbestigasyon batay sa salaysay ng isang saksi (Anthony James Leynes) na dumaraan sa lugar, nakita umano nito ang komosyon sa pagitan ng dalawang suspek nang biglang bumunot ng patalim ang suspek na si Sales at pinagsasaksak sa katawan si Pascua.

Mabilis namang rumesponde si Cpl Arniel S Paglicawan kasama ang mga Bantay Bayan kung saan nadatnan ang suspek na nakaupo sa lupa sa nabanggit na compound at agad na dinakip matapos positibong ituro ng saksi.

Nasamsam direkta sa suspek ang isang itim na plastic bag na naglalaman ng isang pirasong brick ng hinihinalang marijuana na nakabalot sa manipis na plastic film, na tinatayang 250 gramo at nagkakahalaga ng P5,000.

Narekober din ng awtoridad sa pinangyarihan ng insidente ang isang steel knuckle knife at isang buck folded knife na parehong may haba ng walong pulgada.

Kaagad na dinala ang sugatang biktima sa nasabing pagamutan upang malapatan ng lunas.

Nakakulong ang suspek sa custodial facility ng pulisya at mahaharap siya sa mga kasong Physical Injury, B.P 6 at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Makati Prosecutor’s Office.

Bella Gamotea