Hinikayat kahapon ng Department of Health (DOH) ang mga local government unit (LGU) na huwag nang gamitin ang brand ng COVID-19 vaccine sa pagsusulong ng kani-kanilang vaccination activities.
Kasunod ito ng ulat na dinagsa ng mga tao ang isang vaccination site sa Maynila matapos na matukoy na doon magtuturok ng isang kilalang brand ng COVID-19 vaccine.
Tiniyak naman ng DOH na ang hindi pag-aanunsiyo ng brand ng bakuna na available sa inoculation sites ay hindi magtatanggal sa karapatan ng mga mamamayan na malaman kung anong klaseng bakuna ang ituturok sa mga ito.
Ayon sa DOH, kasama naman sa vaccination process ang on-site vaccine education, proper recording gamit ang vaccination cards, at monitoring ng Adverse Events Following Immunization (AEFI).
Tiniyak din naman ng DOH na ang lahat ng COVID-19 vaccines na inisyuhan ng Emergency Use Authorization (EUA) ng Philippine Food and Drug Administration (FDA) ay ligtas at epektibo.
Ipinaliwanag pa ng DOH na bago maisyuhan ng EUA ang isang bakuna ay kinakailangan muna itong sumailalim sa mahigpit na evaluation processes ng Department of Science and Technology (DOST), FDA, at iba pang vaccine expert groups.
“Safety and efficacy of COVID-19 vaccines are scrutinized based on latest available data and scientific evidence from global clinical trials. All vaccines available now in the country are safe, effective, and have been found to reduce risk of severe illness and prevent death after completing the required doses,” ayon pa sa DOH.
“We have to be reminded that vaccine confidence should be built in the stringent processes that lead to the vaccine development, local authorization, and recommended use of these vaccines, and definitely not by the brand,” pahayag naman ni Health Secretary Francisco Duque III.
Kaugnay nito, bagamat hindi mandatory ang pagpapabakuna, hinihikayat ng DOH ang bawat mamamayan na magparehistro na sa kanilang mga LGUs at magpabakuna sa takdang schedule para sa kanilang kategorya.
“As more vaccine supplies become readily available, I encourage everyone to take the earliest opportunity to get vaccinated. COVID-19 vaccines give additional protection against COVID-19 to prevent hospitalization and death. We, at DOH, call on the public to choose to be vaccinated to protect yourselves and your loved ones, the soonest possible time,” dagdag pa ni Duque.
Sa datos ng DOH, hanggang noong Mayo 19 ay nakapagbakuna na ang pamahalaan ng mahigit sa dalawang milyong Pinoy na kabilang sa priority groups na A1 hanggang A3.
Inaasahang sisimulan naman ng bansa ang pagbabakuna para sa mga economic frontliners at indigent population sa NCR Plus 8 sa Hunyo, batay sa availability ng suplay ng bakuna.
Mary Ann Santiago