Hinimok ng OCTA Research group ang pamahalaan na ilaan muna ang 90% ng supply ng coronavirusdisease 2019 (COVID-19) vaccine sa Metro Manila upang higit pang mapababa ang naitatalang kaso ng sakit sa bansa.
Ayon kay OCTA Research fellow Fr. Nicanor Austriaco O.P., base sa datos ng National Task Force(NTF) on COVID-19, sa ngayon ang 65% ng suplay ng bakuna sa bansa ay ipinapadala nila sa Metro Manila, habang ang natitira pang 35% ay ipinamamahagi naman sa iba pang panig ng bansa.
Gayunman, sinabi ni Austriaco na kung dadagdagan pa ang suplay ng bakuna sa Metro Manila ay tiyak na mapapangalahati o mababawasan pa ng hanggang kalahati ang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa.“So simply by increasing the percentage of vaccines we send to the NCR, we will be able to decrease the overall caseload of the pandemic,” paliwanag ni Austriaco, sa Kapihan sa Manila Bay forum.
Sa rekomendasyon nila, dapat aniyang ang 90% ng mga bakuna ay dalhin muna sa Metro Manila habang ang 10% naman ay sa iba pang panig ng bansa upang maibakuna naman sa mga senior citizen na siyang bumubuo ng 9.1% ng populasyon, gayundin sa mga medical frontliners.
“However, what we would like to do is we would like to recommend 90 percent [allocation] to the NCR and 10 percent to the rest of the country. Why is this? Because we have an obligation to vaccinate our senior citizens who are most at risk for severe COVID-19,” dagdag pa niya.
“So 9.1 percent of Filipinos are 60 years and older, which is why we recommend 10 percent of the vaccines be deployed to the rest of the country to vaccinate our senior citizens, the medical frontliners who take up priority groups A1 and A2,” aniya pa.
Matatandaang iniulat ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na hanggang noong Mayo 16 ay umaabot na sa kabuuang 3,001,875 COVID-19 vaccine doses ang nai-administer nila sa bansa.
Kabilang aniya dito ang 2,282,273 doses na naiturok bilang first dose at 719,602 na naibigay naman bilang second dose.
Mary Ann Santiago