Pinayuhan ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) ang publiko na kumain ng maraming prutas at uminom ng maraming tubig upang makaiwas sa dehydration ngayong panahon ng tag-init.
Ayon kay DOH – CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) Regional Director Eduardo Janairo, matindi ang init ng panahon na nararanasan ng mga Pinoy nitong mga nakalipas na araw kaya’t malaki ang tiyansa na ma-dehydrate ang isang indibidwal.
“We have been experienced a very hot and humid weather the past few days and it is best to keep the body cool by drinking plenty of fluid, and eating fruits with high water content to stay hydrated. This will help prevent dehydration and will also keep your digestive system working well,” aniya pa.
“Napakaimportante na ang katawan natin ay mabigyan ng sapat na tubig dahil binubuo ito ng 70 porsyento ng tubig at nababawasan ito kung tayo ay lumalabas, naglalaro at nagtatrabaho sa ilalim ng init ng araw sa pamamagitan ng pagpawis at pag-ihi,” paliwanag ni Janairo.
“Kaya’t kailangan nating mapalitan ito sa pamamagitan ng pag-inom ng tubig at pagkain ng mga prutas na sagana sa tubig at bitamina gaya ng pakwan, singkamas at sabaw ng buko na mayroong electrolytes, potassium, magnesium, sodium at calcium. Ito ay marami sa panahon ng tag-init,” dagdag pa niya.
Payo pa ni Janairo, huwag ding kalimutan ang pinya na may 87 porsyento ng tubig at may vitamin C na makatutulong magpalakas ng resistensya at makakatulong ding panlaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Pinaalalahanan din ni Janairo ang mga nagpapasusong ina na regular na i-breastfeed ang kanilang mga anak dahil nagbibigay ito ng 88% na tubig at nagkakaloob ng nutrisyong kailangan ng kanilang sanggol.
Mary Ann Santiago