Iniutos kaagad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na tanggalin sa serbisyo ang dalawa pa nitong traffic enforcers na sangkot sa robbery extortion na nakunan sa video at nag-viral sa social media nitong nakaraang linggo.
Inaprubahan ni MMDA Chairman Benhur Abalos ang terminasyon sa serbisyo ng dalawang traffic enforcer na sina Mark James Ayatin at Jayson Salibio, kapwa nakatalaga sa C-5 Special Traffic Zone at job order personnel.
Sa isang resolusyon, sina Ayatin at Salibio ay “committed grave misconduct as public employees” kasunod ng imbestigasyon sa isang reklamo at video na na-upload sa social media kaugnay ng kinasasangkutang pangongotong.
Nitong Mayo 12, naghain ng reklamo si Christ Edward Lumagui sa MMDA at sinabing pinara nina Ayatin at Salibio ang kanyang sasakyan nang magtangkang mag-U-turn sa panulukan ng Levi Mariano Avenue at C-5 sa Taguig City, noong Mayo 7.
Sinabihan aniya ito ng dalawang traffic enforcer na lumabag siya sa batas-trapiko. Dahil ditto, naki-usap ang complainant, gayunman, hindi siya pinagbigyan kaya hiniling na lamang nitong isyuhan siya ng traffic ticket citation.
Gayunman, hiningi sa kanya ni Salibio ang kanyang driver’s license at inutusang mag-U turn upang makapag-usap sila sa kabilang bahagi ng kalsada.
Nagpasya ang biktima at pinsan na kasama nito sa sasakyan na kumuha ng video.
Muling iginiit ni Lumagui na kunin na lamang ang ticket citation nito, gayun,an, ipinilit ni Ayatin na tutulungan siya at patagong sinabihan na basta magbigay ng “grease money" o suhol.
Sa huling bahagi na hindi nakita sa video, sinuri ng dalawang enforcer ang cellphone ng pinsan ni Lumagui at humihingi ng P300 para sa nasabing violation. Pagkatapos makuha ang pera ay pinakawalan na ang mga ito.
Sa imbestigasyon ng MMDA Legal Department, malinaw sa iniharap na video clip na ang pakay ng dalawang enforcer ay mangotong o mangikil na isang paglabag sa mga polisiya, panuntunan, regulasyon at umiiral na mga batas sa ilalim ng ahensya.
“These two traffic enforcers are now terminated. The MMDA does not and will never condone any wrongdoing of our personnel,” dagdag pa ni Abalos.
Bella Gamotea