Tuloy ang impeachment complaint laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen. Ito ang tiniyak ni Speaker Lord Allan Velasco sa publiko at sinabing magiging makatwiran at makatarungan ang pagtalakay at paglutas sa nabanggit na reklamo. Tatalakayin aniya ang reklamo sa pagbubukas ng sesyon ng Kamara sa Mayo 17.
"Tiyak na magkakaroon ng fair trial sa impeachment complaint sapagkat ang tagapangulo ng House committee on justice ay si Rep. Vicente Veloso III", ani Velasco. Si Veloso ay dati ring mahistrado. Batay sa reklamo na inihain ni lawyer Larry Gadon para sa kanyang kliyente na si Edwin Cordevilla, inakusahan si Leonen sa pagkabigong maghain ng statement of assets, liabilities and net worth (SALN) at ang pagbabalam sa mga kaso na nasa kanyang sala, kabilang ang protesta sa eleksiyon.
Itinanggi ni Leonen ang akusasyon at sinabing ang mga isyu laban sa kanya ay bunsod lang ng "personal or vindictive reasons." Siya ang sumulat ng desisyon ng SC na nagbabasura sa election protest ni ex-Sen. Bongbong Marcos laban kay Vice Pres. Leni Robredo.
Bert de Guzman