ni Fer Taboy

Hindi ititigil ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang maritime at sovereignty patrol sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.

Ito’y sa kabila ng dumaraming barko ng China kasama ang ilang mga warships na aaligid sa West Philippine Sea.

Kasabay nito iniutos ni AFP Chief of Staff Gen. Cirilito Sobejana na dagdagan ang navy vessels na magpapatrulya sa lugar.

National

Sen. Imee sa sinabi ni Tiangco: 'Panahon na para ibasura ang impeachment ni VP Sara'

Kinumpirma ni AFP Spokeman Edgard Arevalo, limang barko ng Philippine Navy ang nagsasagawa ngayon ng maritime at sovereignty patrols kasama ang mga barko ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Ang tatlong dagdag na barko ng navy ay galing sa ibang operational areas.

Ayon kay Arevalo sa kabila ng pinalakas na presensiya ng China sa West Philippine Sea hindi aatras at hihinto ang AFP sa pagtugon sa kanilang mandato na protektahan ang soberenya ng bansa laban sa mga mananakop.

Hindi naman patitinag ang AFP sa ginagawang pag challenge ng China sa mga aircraft ng PAF na lumilipad sa lugar at maging ang mga barko ng navy.

Sinabi ni Arevalo, dati na itong ginagawa ng China at nagiging customary na ito sa AFP sa tuwing may namomonitor itong mga aircraft o barko na lumalayag at lumilipad sa West Phl Sea.

Sa ngayon nasa siyam na Chinese maritime militia vessels ang nananatili sa Julian Felipe Reef mula sa higit 200 noong buwan ng Marso.

Ipinaliwanag din ni Arevalo na hindi basta basta gumagawa ng hakbang ang AFP lalo na sa gagawing pagtaboy sa mga Chinese vessels kahit nasa teritoryo ito ng bansa lalo na at nasa konstitusyon na hindi tayo mangunguna sa giyera.

Sinabi ni Arevalo,na dapat malaman ng publiko na ang presensiya ng navy at air force sa lugar ay maaari itong ituring na provocation na mag resulta sa anumang miscalculations.