ni Mary Ann Santiago

Nais ng Manila City government na palakasin pa ang healthcare system sa lungsod sa gitna ng surge o biglaang pagdami ng mga naitatalang COVID-19 cases.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, sa ngayon ay patuloy ang pagha-hire nila ng mas marami pang medical at health care professionals para tumulong sa laban ng lungsod kontra COVID-19.

Sinabi ng alkalde na nitong nakalipas na dalawang linggo ay nilagdaan na niya ang appointment papers ng 30 doktor, nurses at medical technologists na kailangang-kailangan sa ngayon.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Ang mga naturang bagong hired na medical personnel ay bilang karagdagan sa bilang ng medical frontliners na nagsisilbi sa lungsod at makatutulong para mabawasan ang load ng mga naka-deploy na sa city-run hospitals.

“Kung gusto ninyong maglingkod sa bayan, we are hiring.We will not stop hiring to reinforce our medical institutions.Nais naming lalo pang palakasin ang ating mga ospital at nang hindi masyadong gastado ang mga health workers. Para maging maganda ang shifting ng mga doktor,marami sa kanila pagod na pagod na but we canot stop serving the people,” ani Moreno.

Umapela rin naman si Moreno na maging bukal sa kanilang loob ang pagseserbisyo sa mga mamamayan.

“Sana, bago kayo pumasok sa public service, pinauuna ko na, mahirap maglingkod sa taumbayan dahil umaasa sila ng mahabang pang-unawa. Di pwede nakasimangot, bumubulyaw o mapikon dahil tayo ay pagod na dahil mas pagod ang taumbayan emotionally, psychologically and physically.Higit sa lahat, economically,” aniya pa.

Binigyang-diin pa niya na sa government service, mahalaga ang benepisyo, ngunit mas mahalaga aniya ay ang nabigyan sila ng pagkakataong makapagsilbi sa mga mamamayan.

“Kailangan lamang nating habaan ang pasensiya at pang-unawa ang pairalin.  Bago kayo pumasok sa pamahalaan, tanungin ninyo ang inyong sarili. Are you ready to serve? Because the people deserve beter things from government,” aniya pa. Mary Ann Santiago