ni Mary Ann Santiago
Mananatiling suspendido ang voter registration sa tinaguriang NCR Plus areas matapos na palawigin pa ng pamahalaan ang ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECQ) sa mga naturang lugar.
“Because of the ECQ extension: For NCR+ : #VoterRegistration is suspended #WalangRehistro,” ang bahagi ng Twitter post ni Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez.
Samantala, tuloy naman aniya ang voter registration sa mga lugar na nasa labas ng NCR Plus bubble at isasagawa ito mula 8:00AM hanggang 3:00PM mula Lunes hanggang Huwebes.
“For the rest of the country: #VoterRegistration is NOT suspended. Mon- Thur, 8AM-3PM,” aniya pa.
Matatandaang una nang sinuspinde ng Comelec ang voter registration sa NCR Plus areas, na kinabibilangan ng Metro Manila, Laguna, Cavite, Rizal at Bulacan, noong nakaraang linggo dahil sa umiiral na ECQ at Mahal na Araw.
Nagsimula ang pagpapairal ng ECQ noong Marso 29 at magtatapos sana hanggang kahapon, Abril 4.
Gayunman, dahil sa patuloy pa ring pagdami ng kaso ng COVID-19 sa mga naturang lugar, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Department of Health (DOH) at ng OCTA Research Team palawigin pa ulit ng isang linggo ang ECQ sa nasabing mga lugar.