TAMPA, Fla. (AFP) — Tulad ng inaasahan, ginutay at ibinaon sa kahihiyan ng Toronto Raptors ang sawim-palad na Golden State Warriors nitong Biyernes (Sabado sa Manila).

Hataw si Pascal Siakam sa naiskor 36 puntos para pangunahan ang Raptors sa demolisyon sa Warriors, 130-77, na naglaro na wala sina All-Stars at two-time MVP Stephen Curry at Draymond Green sa injury. Dalawang season nang nasabench ang isa pang All-Star na si Klay Thompson dahil sa natamong injury sa 2018 Finals.

Nag-ambag si Gary Trent Jr. ng 24 puntos, habang tumipa si OG Anunoby ng 21 puntos.

Ang 53-puntos na panalo ang pinakamalaking bentahe sa NBA ngayong season, dalawang puntos ang bentahe nito sa 124-73 panalo ng Dallas sa Los Angeles Clippers  nitong Dec. 27. Ang huling laro na may pinakalamaking bentahe ay noong Dec. 8, 2018, sa panalo ng Boston sa Chicago, 133-57.

Ilang volleyball stars pina-auction jersey; tulong sa player na may liver cancer

Nanguna si Andrew Wiggins sa Golden State na may 15 puntos para sa Warriors na nagtamo ng ikapitong kabiguan sa huling walong laro.

SUNS 140, THUNDER 103

Sa Phoenix, ginapi ng Phoenix Suns, sa pangunguna nina Devin Booker na may 32 puntos at Chris Paul na kumana ng 17 puntos at 12 assists, ang Oklahoma City Thunder.

Hataw sa Thunder si rookie Théo Maledon na kumana ng career-high 33 puntos, mula sa 10 of 18 shootting, tampok ang 5 of 7 3-pointers.

Sa iba pang laro, ginapi ng Boston Celtics ang Houston Rockets, 118-102; pinatumba ng Dallas Mavericks ang New York Knicks, 99-86; nagwagi ang Charlotte Hornets sa Indiana Pacers, 114-97; nilapa ng Memphis Grizzlies ang Minnesota Wolves, 120-108; dinagit ng Atlanta Hawks ang New Orleans Pelicans, 126-103; ginapi ng Utah Jazz ang Chicago Bulls, 113-106; namayani ang Los Angeles Lakers sa Sacramento Kings, 115-94; nanaig ang Milwaukee Bucks sa Portland Blazers, 127-109.