ni Marivic Awitan

PINANGUNAHAN ni Olympic silver medalist Hidilyn Diaz ang listahan ng mga sports men at entities na gagawaran ng citations sa idaraos na virtual SMC-PSA (Philippine Sportswriters Association) Annual Awards Night sa Marso 27 sa TV5 Media Center.

Ang 30-anyos na Zamboangeña ay nagtala ng three-gold sweep sa women’s 55-kilogram division ng Roma Weightlifting World Cup sa Italya noong isang taon bago lumaganap ang pandemic na nagbigay sa kanya ng virtual slot sa Tokyo Olympics.

Nanalo ng silver noong 2016 Rio De Janeiro Games, si Diaz ay kasama ng 19 na iba pa sa gagawaran ng citations ng pinakamatandang media organization sa bansa na pinamumunuan ni Manila Bulletin sports editor sa idaraos na virtual event sa Marso 27 na magkakatulong na inihahatid ng Philippine Sports Commission at Cignal TV kasama ng 1 Pacman Partylist at Rain or Shine.

Filipino Olympian Hergie Bacyadan wagi kontra Chinese kickboxer; sinungkit gintong medalya

Kabilang sa mga kasama ni Diaz na bibigyan ng citation ay ang kanyang co-weightlifter Vanessa Sarno,ang Olympic-bound boxers na sina Eumir Felix Marcial at Irish Magno at pole vaulter na si EJ Obiena.

Kasama rin nila sina skateboarders Margielyn Didal at Motic Panugalinog, ang track and field quartet nina Kristina Knott, Natalie Uy, William Morrison at Christine Hallasgo at karateka OJ de los Santos.

Ang iba pang nakatakdang gawaran ng citations ay sina Sander Severino ng chess, Sydney Tancontian ng sambo, siklistang si George Oconer at Philippine Navy-Standard Insurance cycling team, at ang apat na major leagues na matagumpay na nagdaos ng kanilang season sa loob ng bubble kahit may Covid-19 pandemic na kinabibilangan ng Philippine Basketball Association, Philippine Football League, Chooks-to-Go Pilipinas 3×3, at National Basketball League.