Ni NORA V. CALDERON
EXCITED na ang mga sumusubaybay sa primetime series na Anak ni Waray Vs Anak ni Biday dahil finale week na ngayon ng family drama na nagtatampok sa dalawang nanay at ang kani-kanilang mga anak. Mag-ina sina Amy (Snooky Serna) at Ginalyn (Barbie Forteza); at sina Sussie (Dina Bonevie) at Caitlyn (Kate Valdez). Noong kabataan nila pareho, best friends sina Amy at Sussie, at sina Ginalyn at Caitlyn, pero nasira ang friendships nila dahil lamang sa isang lalaki, si Joaquin (Jay Manalo) na parehong niligawan at naanakan sina Amy at Sussie at si Cocoy (Migo Adecer) na unang naging girlfriend si Caitlyn pero mas minahal niya si Ginalyn at nakipag-break siya kay Catilyn.

Mapagbigay si Ginalyn at tunay niyang minahal ang kaibigan, kaya nagparaya na siya kahit nasaktan din niya si Cocoy na tinanggap na ring makipagbalikan kay Caitlyn.
Pero may isa pang revelation ang story. Sa iisang ospital sabay na nagsilang sina Amy at Sussie at dahil sa isang sunog doon, sa pagliligtas sa dalawang sanggol, nalaglag ang name tag nila at napagpalit ang name tag nila.
Ngayon ay nalaman na ang katotohanan na nagkapalit sila ng anak, dahil sa DNA tests. Hindi matanggap ng matapobreng si Sussie na si Ginalyn ang anak niya, at ayaw ding pumayag si Caitlyn na si Amy ang kanyang ina. Si Amy ay payag na makasama si Caitlyn.
Paano magdidesisyon si Joaquin tungkol sa dalawa niyang anak? Ito ngayon ang susubaybayan ng mga netizens simula ngayong Lunes, March 8, hanggang sa finale night sa Biyernes, March 12, sa GMA Telebabad.