Ni MARY ANN SANTIAGO

Limang miyembro ng isang pamilya ang binawian ng buhay nang makulong mula sa nasusunog nilang bahay sa Parola Compound, Tondo, Maynila, nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ang mga ito na sina Jake Loyola, 37, may-ari ng bahay, mga anak -- Noah Loyola, 3; at Kiefer Loyola, 8; at sina Richard Tigas, 10; at Jeric Tigas, 12.

Sugatan naman sa insidente sina Cyrus Frank, 9, dahil sa 2nd degree burns; Sonny Boy Jovita, 23; Rea Adriatico, 37; Rodulfo Cadigal Jr., 44, at Marbin V. Alperes, 45.

Politics

Camille Villar, nagpasalamat kay VP Sara Duterte sa Suporta

Naiulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), biglang sumiklab ang ikalawang palapag ng bahay ni Jake sa Gate 20 ng Parola Compound na gawa lamang sa mga light materials, dakong 11:53 ng gabi.

Mabilis na gumapang ang apoy sa mga katabing kabahayan.

Nakulong naman sa loob ng nasusunog na bahay ang mga ito at nang maapula ang sunog matapos ang anim na oras ay nadiskubre na lamang ang kanilang bangkay sa loob ng palikuran. Sa pagtaya ng mga awtoridad, aabot sa 300 bahay na karamihan ay gawa sa light materials ang natupok.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad kung posibleng faulty electrical wiring ang sanhi ng insidente na tumupok ng tinatayang aabot sa P3 milyon halaga ng ari-arian.