ni Gabriela Baron
Kumalma ang Kanlaon Volcano sa nakalipas na 24 oras habang tuloy naman sa pag-aalburoto ang Taal Volcano sa Batangas, ayon sa Phillippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ayon sa Phivolcs, walang naramdamang pagyanig ang Mt. Kanlaon sa nakaraang 24 oras, gayunman, naitala ng ahensya ang pagbuga nito ng sulfur dioxide na umabot ng 586 tonelada kada araw nitong Pebrero 17.
Sa kabila nito, sinabi ng Phivolcs na nananatili pa rin sa Level 1 ang alert status ng bulkan na nangangahulugang abnormal pa rin ang sitwasyon nito dahi sa pag-aalburoto.
Pinayuhan ng ahensya ang publiko na huwag lumapit o pumasok sa four-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) ng bulkan dahil posible itong magkaroon ng phreatic eruptions.
Kaugnay nito, dalawang pagyanig naman ang naitala sa palibot ng Taal Volcano.
Ang nasabing pagyanig ay naitala ng Phivolcs sa nakaraang 24 oras.
Bukod dito, nakitaan din ang bulkan ng mahinang pagbuga ng puting usok na umabot sa metro. Tumaas din sa 77.1 degrees Celsius ang temperatura ng lawa sa main crater, nitong Pebrero 12.
Pinag-iingat din ng ahensya ang publiko sa posibleng pagbuga ng abo at tuluy-tuloy na pagyanig ng bulkan sa susunod na mga araw.