ni Mary Ann Santiago
Isang maglola ang binawian ng buhay nang matupok ang kanilang paupahang tirahan dahil sa sunog sa Bgy. Addition Hills, Mandaluyong City, kahapon ng madaling araw.
Ang dalawa ay kinilala ng mga awtoridad na sina Pacita Lamac, 55, at Althea Monique Salumbides, 13, kapwa taga-Block 39, Bgy. Addition Hills.
Sa ulat ni FO2 Sherwin Jay Villasanta ng Mandaluyong Bureau of Fire Protection, bigla na lamang sumiklab ang tailoring shop na nasa ikalawang palapag na paupahani ni Aristeo Lamac, dakong 12:25 ng madaling araw.
Ayon sa mga awtoridad, iisa lamang ang entrance at exit kaya nahirapan silang ilikas ang mga residente, kabilang na ang maglola na nasa ikatlong palapag ng tahanan.
Dahil sa matinding pinsala, bumagsak rin umano ang tahanan, na gawa lamang sa light materials at nadamay ang maglola na ikinamatay ng mga ito.
Sinasabing nasa ospital ang mga kaanak ng mga biktima, na nagbabantay sa isang kaanak na naka-confine sa hindi pa natukoy na karamdaman, nang maganap ang insidente.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente.