nina Noreen Jazul at Bella Gamotea
Tutol ang ilang alkalde ng Metro Manila sa panukala na mailagay ang buong bansa sa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) simula Marso 1.
Sa pagpupulong kay Pangulong Rodrigo Duterte nitong Pebrero 15, iprinisinta ni Acting National Economic and Development Authority (NEDA) Chief Karl Chua ang panukala ng kanyang ahensya na buksan pa ang ekonomiya sa MGCQ para sa buong Pilipinas, lalo na ang NCR (National Capital Region).
Sa panayam ng Unang Balita, sinabi ni San Juan City Mayor Francis Zamora na mas mabuti para sa Metro Manila na manatili sa kasalukuyang quarantine status na General Community Quarantine (GCQ).
Sinabi ni Zamora na ang pangunahing pagkakaiba sa pagitan ng MGCQ at GCQ ay pinapayagan na buksan ang negosyo at industriya.
Sa kaso ng San Juan, sinabi ni Zamora na ang mga establisimiyento ay maaari nang magbukas kaya naniniwala siyang mas mabuti na manatili sa ilalim ng GCQ para sa kanyang lungsod kahit papaano.
“Mas maganda po muna manatili muna tayo sa ating kasalukuyang quarantine status tutal parating naman po ang mga bakuna,” aniya.
“Eleven months na po tayo nasa ilalim ng krisis na ito. Kumbaga nasa dulo na po tayo. Konting tiyaga na lang. Nakikita ko na yung linaw sa dulo ng pinagdadaanan natin, ” dagdag niya. Sinabi naman ni Marikina Mayor Marcy Teodoro na ang desisyon na luwagan ang mga quarantine ay dapat ibatay sa datos ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Dapat din aniya itong ibase hindi lamang sa mga rekomendasyon ng mga eksperto sa ekonomiya ngunit pati na rin ang mga eksperto sa kalusugan.
Sa isyu ng pagpayag sa pagbubukas muli ng mga sinehan, sinabi ng parehong alkalde na hindi sila pabor.
“Kami po sa MMC (Metro Manila Council)…ang general consensus ng majority pabor na wag muna buksan,” ani Zamora.
Sinabi rin ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos na suportado ng mga alkalde ng Metro Manila ang dahan-dahang pagbubukas ng ekonomiya basta’t siguraduhing nasusunod ang health protocols.
“We are one with the economic team in the reopening of business activities but we cannot do it hastily,” sabi ni Abalos, sa press briefing sa tanggapan ng MMDA nitong Lunes ng hapon.
“We cannot allow the government’s gains in controlling the spread of the virus be put to waste. We must balance the economy and health for everyone’s safety,” diin niya.