Sinibak ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa puwesto ang Deputy Chief of Staff for Intelligence (J2) ng militar dahil sa pagkakamali sa pag-uulat kaugnay ng napapatay at naarestong mga rebelde at na-i-post pa sa social media na ikinapahiya ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

“I am relieving MGen (Major General) Alex Luna from his post as Deputy Chief of Staff for Intelligence, J2, effective today (28 Jan 2021),” ang bahagi ng inlabas na pahayag ni Lorenzana.

Paliwanag ni Lorenzana, ang pangalan ng mga napatay at naarestong mga rebelde ay na-ipost sa social media ng AFP at na-share pa ito ng iba pang military unit na mula sa tanggapan ni Luna batay na rin sa isinagawang imbestigasyon.

National

3 weather systems, patuloy na umiiral sa bansa – PAGASA

Ang listahan ng pangalan ay kinabibilangan ng mga abogado, mamamahayag, mga dating matataas na opisyal ng pamahalaan, at isang beteranong film director na namatay ilang taon na ang nakararaaan, gayunman, hindi sa military operation.

Ang listahan aniya ay nai-post sa social media at lumalabas na ibinigay din ito kay Lorenzana na ginamit ding dahilan sa pagpapawalang-saysay ng Department of National Defense-University of the Philippines (DND-UP) agreement na nag-oobliga sa militar na humingi muna ng pahintulot sa UP administration bago makapasok ng kanilang campus.

Aniya, mali ang ilang pangalan sa listahan na nakatawag ng pansin sa AFP kaya humingi ito ng paumanhin sa publiko at tinawag nito ang insidente bilang ‘unpardonable gaffe’.

Dahil dito, umani ng batikos ang AFP dahil sa mali-maling imormasyon kaya nagsimula nang kuwestiyunin ang multi-million annual intelligence fund na laan ng gobyerno sa militar.

Tinawag ni Lorenzana na “unforgivable lapse” ang maling listahan.

“His negligence only shows a lackadaisical attitude towards his job resulting to confusion and damage to reputation.

We do not take these offenses lightly and I want to hold the people involved accountable,” dagdag pa ni Lorenzana.

-AARON RECUENCO