WALASTIK!

MAGING sa kompetitibong antas ng tennis, tunay na may paglalagyan ang Pinoy.

Sa edad na 15-anyos, lumikha ng kasaysayan sa Philippine tennis ang Filipino tennis prodigy at Globe Ambassador na si Alex Eala nang gapiin ang mas beterano at home –favorite na si Yvonne Cavalle-Reimers, 5-7, 6-1, 6-2, para makamit ang titulo sa Rafael Nadal Academy World Tennis Tour  nitong Linggo (Lunes sa Manila) sa Manacor, Spain.

Nakopo ni Eala, produkto ng naturang academy ng world No.2 men’s tennis player, ang kauna-unahang International Tennis Federation’s (ITF) singles professional title at tanghaling unang homegrown Pinay na nakapagtala ng karangalan sa kasaysayan ng tennis sa bansa.

Ginang, na-swipe wrong sa dating app; na-scam ni 'Mr. Right' ng higit <b>₱</b>100K

Ang tagumpay ni Eala ay pangising din sa tila lugmok na katayuan ng sports sa bansa bunsod nang kakulangan sa liderato at kapabayaan na nagresulta sa pagkasuspinde ng Pilipinas sa International Tennis Federation (ITF).

“We would like to congratulate Alex on her historic win. Indeed, it is very refreshing to watch the young Filipina triumph on the global sports stage. We are very proud of Alex and we look forward to seeing her again in her future matches,” pahayag ni Ernest Cu, Globe President and CEO.

Miyembro ng Philippine junior team si Eala, ngunit ang kanyang pagsirit sa international tournament at bunga ng pagpupunyagi ng pamilya at tulong ng Globe sa nakalipas na mga taon.

Unang nalagay sa kamalayan ng Pinoy ang tennis phenom nang magwagi sa  2020 Australian Open doubles kaagapay ang Indonesian partner na si Priska Nugroho.

Kahanga-hanga ang tagumpay ni Eala na lugmok sa unang set bago naagaw ang momentum sa Spanish veteran na kasalukuyang ranked 132nd sa ITF at 490th sa  Women’s Tennis Association’s (WTA) world rankings.

Naging iskolar sa Rafa Nadal Academy, kasalukuyang No.3  junior player si Eala sa ITF at ranked 1,180th sa mundo.

Sa second set, kaagad na sinamantala ni Eala, Globe Ambassador mula noong  2016, ang momentum para maiposte ang  3-0 bentahe. Nagawang makahirit ni Cavalle-Reimers sa fourth game, subalit hindi natigagal ang Pionay tungo sa 6-1 panalo.

Mula sa tablang 1-1 sa third set, hindi na pinayagan ni Eala na makadikit ang karibal tungo sa panalo.

Kabilang si Nadal sa nagbigay ng mensahe ng pagbati kay Eala.

"Congratulations @alex.eala for this important moment in your career. We are all very happy for you!" pahayag ni Nadal.

"Keep up the good work and attitude," aniya.