WALA ng kawala ang mga tamad, abusado at palaasang National Sports Associations (NSAs).
Inaprubahan ng Philippine Sports Commission (PSC) Board ang limang Resolution na magpapatibay sa ‘pangil’ ng ahensiya upang madisiplina at mapigilan ang tila pang-aabuso ng mga sports associations sa kaban ng bayan para maisulong ang mga ‘mestisong’ programa sa sports.
Sa isinagawang PSC Board meeting via Zoom kamakailan, nagkakaisa sina Chairman William ‘Butch’ Ramirez, at Commissioners Charles Maxey, Arnold Agustin, Ramon ‘El Presidente’ Fernandez at Celia Kiram na higpitan ang polisiya ng ahensiya sa paglalaaan ng financial assistance, higit at limitado ang pondo ng sports bunsod nang malaking pangangailangan ng pamahalaan sa paglaban sa coronavirus COVID-19 pandemic na nagdulot nang mahigit isang taon nang quarantine period sa malaking bahagi ng bansa.
“Ibinigay na namin ang lahat ng pagkakataon para makapag-liquidate ang mga ‘delinquent’ NSA’s, but in the end kami pa rin ang talo dahil kami ang hinahanapan ng publiko dahil kami ang humahawak ng budget. The PSC Board is now implementing a much stricter policy with regards on fund disbursement,” pahayag ni Ramirez.
Sa Inilabas na NSA Advisory (Implementing Policies) na may petsang Enero 18, 2021 at may lagda ni PSC Acting Deputy Executive Director Reina Presciosa Evangelista, nakasaad sa Resolution No. 1283-2020 na hindi pagkakalooban ng ‘financial assistance’ ang mga NSA na lumabag sa PSC policies na:
a) Compliance with liquidation requirements
b) Failure to disclose sources of funding other than PSC’s assistance
c) Causing undue delay in the submission of reportorial requirements to maintain good standing and other mandatory requirements.
Sa Resolution No. 241-2020, hindi na mabibigyan ng financial assistance ang mga professional sports, maliban nalamang kung bahagi ito ng paghahanda para sa Olympic qualifying.
Ipinag-utos din ng PSC sa NSAs sa bisa ng Resolution No. 1198 (E)-2020, na isumite ang mga donasyon na equipment at cash ng pribadong sector para sa kanilang mga coaches at atleta.
Sa pagkakataon na ililipat ng NSA’s ang mga equipment ng kanilang atleta mula sa venue ng PSC patungo sa ibang lugar, hindi na PSC bagkus ang mga NSA ang siyang gagastos para rito.
Hindi na rin papayagan ng PSC ang pagsumite ng ‘retroactive’ sa buwanang allowances ng mga atleta at coach.
“Sa pag-upo namin in 2016, ipinapatupad na namin ito, but before the 2019 SEA Games, niluwagan namin dahil preparation ng hosting ng SEA Games. But after the SEAG, mas lumaki yung mga unliquidated ng mga NSAs, kami na ang tinatanong ng COA dito,” pahayag ni Ramirez.
Sa naunang panayam kay Ramirez, nabanggit niya na umabot sa mahigit P100 milyon ang ‘unliquidated’ advances ng mahigit 20 sports association. Hindi naman naibigay ng PSC ang kompletong listahan ng mga NSA’s na magpahanggang ngayon ay may utang pa sa PSC mula sa nakuhang financial assistance limang taon na ang nakalilipas.
“Alam nila kung sino sila. Now, wala nang pakiusapan, kung may problema ka pa sa PSC, wala na munang assistance,” sambit ni Ramirez.
Nilinaw ni Ramirez na hindi maaapektuhan ang pagsasanay ng atleta, gayundin ang kanilang partisipasyon sa abroad dahil ipatutupad ng PSC ang ‘direct-to-athletes financial assistance’.
-Edwin G. Rollon