MALAMANG may alam ang Tutok to Win sa Wowowin host na si Willie Revillame sa kinahinatnan ng show ng dati niyang batikan na direktor at star builder na si Johnny Manahan o kilala sa pangalan na Mr. M.
Naunsiyami kasi ang Sunday musical-variety show na dinidirek ni Mr. M sa TV5 na Sunday Noontime Live! (SNL). Imbes na tumagal mabilis itong nawala dahil tatlong buwan lang ito sa ere na ikinagulat lahat ng bumubuo ng show maging ng mga manonood at mga netizens. Balitang sobrang nahiya si Mr. M kila Piolo Pascual at Maja Salvador sa kinahinatnan ng show. Dahil siya ang nagdala sa dalawa sa naturang Sunday Show.
Sa pangyayaring ito, hindi maikakailang malungkot at ma-disappoint ang magaling na direktor. Kaya naman sa show ni Willie Revillame na halatang good mood nang araw na iyon ay pinapurihan niya si Mr. M. Aniya, “Naging direktor ko po sa Wowowee, star builder, respetado, he is a dignified man. Alam mo, sana makasama kita ulit direk. Napakalaki ng respeto ko sayo. Naalala ko noong magkasama tayo sa Wowowee lagi kang naka-support sa akin sa lahat ng desisyon na ginagawa ko.” Hindi rin makalimutan ni Willie noon nang gumawa siya ng sulat ng pagpapaalam sa ABS-CBN dahil nasa tabi raw niya si Mr. M para alalayan siya sa tamang grammar.
Sa part ng mensahe ni Willie ay mukha itong nagsusumamo kay Direk Johnny Manahan sa mga binitiwang salita. Sey niya, “Direk sobrang mahal ka namin. The door is open. Direk I need you, we need you here. Kailangan ko ng isang direktor na katulad mo para maturuan kami dito. Direk halika na dito samahan mo na kami.”
Mistulang masayang wini-welcome naman ng buong staff ni Willie ang posibilidad na maging part ng Tutok to Win sa Wowowin ang mahusay na direktor. Aba, hindi malayong mangyari ito lalo’t aminado si Willie na hindi niya pababayaan ang isang Johnny Manahan.
Ang magandang tanong magiging part na rin kaya si Mr. M ng Kapuso (GMA-7) after niyang maging Kapamilya at nag-Kapatid channel? Well, abangan natin ang susunod na kabanata.
-DANTE A. LAGANA