Naglabas ng opisyal na pahayag ang ABS-CBN bilang paggunita sa ikaanim na taon mula nang ipatigil ang kanilang free-to-air broadcast operations noong 2020 kasunod ng pagkabigo nitong makakuha ng panibagong prangkisa, sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa mensaheng inilabas ng kompanya nitong Martes, Mayo 5, 2026, inilahad nila ang kanilang paglalakbay mula sa pagiging isang tradisyunal na broadcast network tungo sa pagiging isang global storytelling company.
Ayon sa ABS-CBN, malaki na ang kanilang naging progreso sa aspeto ng estratehiya at pananalapi sa nakalipas na anim na taon. Ipinunto nila na patuloy silang gumagawa ng nilalaman na nagbibigay saya, inspirasyon, at aliw sa mga Pilipino, kasabay ng paghahatid ng mapagkakatiwalaan at makabuluhang balita.
Nagpahayag din ng taos-pusong pasasalamat ang kompanya sa kanilang mga partner, advertiser, artista, mamamahayag, manggagawa, at lalo na sa kanilang mga manonood na patuloy na sumuporta sa kanila sa kabila ng mga hamon. Ayon sa kanila, hindi umano makakamit ang kanilang mga tagumpay kung wala ang tiwala at suporta ng publiko.
Bagama’t hindi na sila nagpapatakbo bilang isang free-to-air broadcast network, tiniyak ng ABS-CBN na nananatiling matatag ang kanilang pangako sa paglikha ng makabuluhang nilalaman at paglilingkod sa sambayanang Pilipino.
Matatandaang noong 2020, sa kasagsagan ng Covid-19 pandemic, hindi nabigyan ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN ng House Committee on Legislative Franchises na nagresulta sa pagtigil ng kanilang broadcast operations—isang pangyayaring nagmarka ng malaking pagbabago sa industriya ng media sa bansa.
Gayunman, nagbukas ito ng iba't ibang bintana para makipag-collaborate sa iba pang broadcast company at social media platforms.
Isa na riyan ang pakikipag-blocktime agreement nila sa A2Z Channel 11, TV5, at sa pinakamahigpit nilang karibal na GMA Network, gayundin sa sister channel nitong GTV.
Panghuli, umeere ang ilan sa shows nila sa AllTV na umookupa ngayon sa dati nilang channel frequency na Channel 2.
Samantala, narito ang buong opisyal na pahayag ng Kapamilya Network:
"Today marks the sixth year of ABS-CBN’s journey from a broadcast network to a global storytelling company following its broadcast shutdown in 2020."
"Since then, we have made significant progress strategically and financially, as we transform into a content company that continues to tell Filipino stories that bring joy, inspiration, and entertainment as well as deliver credible, relevant, and accurate news to our audiences."
"We take this moment to express our heartfelt thanks to our partners, advertisers, artists, journalists, workers, and most especially, our audiences for their trust and belief, and for standing with us through this journey. The progress we have achieved would not have been possible without their support."
"While we no longer operate as a free-to-air broadcast network, our commitment to create meaningful content and be in the service of the Filipino people and our audiences remains firm."
"Your unwavering support enables us to continue what we do. Maraming salamat, Kapamilya."