HABANG nakasentro ang mga balita sa paghahanda ng Gilas Pilipinas para sa third window ng 2021 FIBA Asia Cup qualifying tournament na nakatakdang idaos sana sa Clark,Pampanga sa susunod na buwan, may kinakaharap namang problema ang pagdaraos nito sanhi ng travel ban na ipinatutupad ng pamahalaan sa ilang mga bansang nagkaroon ng outbreak ng bagong variant ng coronavirus.
Kaugnay ng nasabing travel restrictions, mahihirapang makapasok ng Pilipinas ang mga players, coaches at team officials ng mga bansang kasama sa 34 na mga bansang idineklarang may travel ban ng gobyerno.
Kabilang sa mga nakasama sa travel ban noong nakaraang linggo ay yung mga galing ng South Korea, Hong Kong at Australia na pawang kalahok ang mga basketball teams sa FIBA qualifiers sa susunod na buwan.
Ang travel ban ay itinakda hanggang katapusan ng Enero.
Gayunman, nakahanda naman umano ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa mga posibleng mangyari lalo’t kung kakailanganin ng mga kalahok na pumailalim sa mandatory 14-day quarantine bago pumasok sa FIBA bubble sa Clark.
Kasalukuyan ng nagsasanay sa Laguna bubble training sina Gilas Pilipinas cadets Isaac Go, Dave Ildefonso, Will Navarro, Rey Suerte, magkapatid na Matt at Mike Nieto, Justin Baltazar, Kemark Carino, Calvin Oftana at magkapatid na Juan at Javi Gomez de Liaño.
Kasama din nila sa bubble camp sina Ivorian slotman Angelo Kouame at mga professional players Kiefer Ravena, CJ Perez, Raul Soyud, Troy Rosario at Justin Chua.
Hinihintay din nila ang pagdating ni Kai Sotto mula sa US kung saan ito nagsasanay para sana sa NBA G League.
Gayunpaman, nakasalalay pa rin sa Inter Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases kung matutuloy ang pagdaraos sa bansa ng FIBA Asia Cup qualifiers dahil tiyak na hindi papayag ang mga teams na pumailalim sa 14 day quarantine bago sumabak sa laro.
Marivic Awitan