PAMUMUNUAN ni dating Star Hotshots import sa PBA na si Ricardo Ratliffe ang Korean team na lalaro sa third window ng 2021 Fiba Asia Cup qualifiers sa susunod na buwan.

Ginawang naturalized player ng Korea at pinangalanang Ra Gun-A, si Ratliffe ang nangunguna sa 12-man lineup na isinumite ng Korean Basketball Association para sa nakatakdang torneo sa Clark.

Kasama ni Ratliffe na naglalaro sa Jeonju KCC Egis na mamumuno sa Korean squad si dating Phoenix Asian import Lee Gwan Hee ng Seoul Samsung Thunders.

Nakatakdang makasagupa ng Korea ang Gilas Pilipinas sa Pebrero 18, Indonesia sa Pebrero 19, Thailand sa Pebrero 20 at Gilas Pilipinas ulit sa Pebrero 22.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Mayroon silang 2-0 record sa Group A matapos manalo sa Indonesia, 109-76, at Thailand, 93- 86, noong first window.

Ang iba pang miyembro ng Korean squad sina Lee Seoung-hyun ng Gorang Orions, Kim Jong-kyu ng Wonju DB Promy, Kang Sang-jae ng Incheon ET Land Elephants at 2020 KBL MVP Heo Hoon ng Busan KT Sonicboom.

Maglalaro din para sa koponan ang batang-batang sentro na si 6-foot-8 Yeo Jun-seok mula Yongsan High School na nagwaging 2019 Basketball Without Borders MVP.

Ang iba pang miyembro ng team ay sina Jeon Junbeom ng Ulsan Hyundai Mobis Phoebus, Kim Nakhyeon ng Incheon ET Land, Byeon Junhyeong ng Anyang KGC, Ah Young-jun Ahn ng Seoul SK Knights, at Kim Si Rae ng Changwon LG.

Hindi lumaro ang Korea sa nakaraang second window na idinaos sa Manama, Bahrain noong Nobyembre dahil sa COVID-19.

Dahil dito, pinatawan sila ng multa ng FIBA Disciplinary Panel na nagkakahalaga ng CHF 160,000 o katumbas na P8.6 milyon.

-Marivic Awitan