MARAMI ang natuwa sa pagsasadula sa TV ang sinusubaybayang mga reklamo sa Wanted sa Radyo ng tinaguriang “Hari ng Public Service” at binansagan ding “Idol” ng Masa na si Raffy Tulfo. Ito ay ang Wanted: Ang Serye ng TV5 na hatid ng Cignal Entertainment.
Nagkaroon recently ng virtual mediacon ang nasabing serye sa pangunguna nila Idol Raffy kasama ang mga artistang gumanap para sa Jan. 23 episode na sina Ritz Azul, Jeffrey “Epi” Quizon at Adrian aka Luis Alandy. Ang nagsilbing host ng naturang mediacon ay si MJ Marfori.
Sa dami ng mga reklamo at hinaing sa buhay ng mga tao, natanong ng Balita si Raffy Tulfo kung bakit nga ba siya ang laging takbuhan. Aniya, “Siguro po dahil nagagampanan ko po yung role na gusto nila, nagagampanan which is bigyan ng solusyon ang mga hinaing na nilalapit nila sa akin. In short, naging effective po ang aking programa that’s why they keep coming back again. Yun po siguro.”
Sinulit din ng Balita ang pagkakataon tanungin ang mga gumanap sa serye na sina Ritz, Epi at Adrian kung ano ang binago sa kanila itong pandemya. Ayon kay Adrian ang pagsusuot ng face mask at face shield ang binago sa kanya kaalinsunod na rin para sa safety protocols.
Sey naman ni Epi, “Ako, besides lumaki ang tiyan ko at gumaling ako magluto. Actually ako yung ano na-realize ko yung importance with the relationship. During the pandemic mas maraming time na makausap ko ang mommy ko, mga anak ko. Mas may time na kausapin yung mga mahal ko sa buhay atsaka yung mga pinag-uusapan naming hindi na in passing. Ngayon talagang mas nagkaroon ng lalim yung mga pinag-uusapan with the relationship with my parents, kids, my love lahat yun. Hanggang aso nabigyan ko ng oras sinasama ko lumabas nagwawalk kami. Lahat yun nabigyan ko ng oras pati sarili ko. Ang pinakaimportante doon mas nagkaroon ako ng oras magdasal. And that’s what I’ve been doing as soon as I wake up that’s what I do. Mas nagkaroon ng meaning ang mga prayers.”
Saad naman ni Ritz, “Same same lang dagdagan ko lang ng kaunti mas natuto akong magslow down. Kasi ang bilis ng buhay before ng pandemic parang matutulog ka ngayon pero yung bukas na ang iniisip mo kung ano ang gagawin mo yung schedules mo. Ngayon parang natutunan ko na hindi mo hawak lahat ng bagay kumbaga relaks ka lang huwag kang magworry kung anong mangyayari in the future kasi hindi mo naman hawak lahat. Pero gawin mo ang lahat ng best mo para magawa mo yung dapat mong gawin today.”
By the way, matutunghayan ang Wanted: Ang Serye tuwing Sabado, sa ganap na 9:00 ng gabi sa TV5. Mga kuwento sa likod ng reklamo na magbibigay ng resolusyon at mahahalagang aral sa mga manonood.
-DANTE A. LAGANA